Search a Movie

Thursday, February 29, 2024

Thanksgiving (2023)

4 stars of 10
★★★★ ☆☆☆☆☆☆

Starring: Patrick Dempsey, Nell Verlaque
Genre: Mystery, Thriller
Runtime: 1 hour, 46 minutes

Director: Eli Roth
Writer: Jeff Rendell, Eli Roth (novel), Jeff Rendell (story)
Production: Spyglass Media Group, Dragonfly Entertainment, Electromagnetic Productions
Country: USA


Bilang selebrasyon para sa Thanksgiving isang Black Friday sale ang inihanda ng RightMart superstore na dinumog ng maraming tao. Sa hindi inaasahang pagkakataon, isang riot ang naganap at marami ang napuruhan at  namatay sa nangyaring insidente.

Makalipas ang isang taon, isang misteryosong killer ang biglang lumabas para paghigantihan ang nangyaring kaganapan. Isa sa mga pangalang nasa listahan ng naturang killer ay ang dalagang si Jessica Wright (Nell Verlaque) na anak ng may-ari ng RightMart. Kasama ang grupo ng mga kaibigan nito ay makikipagtulungan sila sa pulisya upang mahanap kung sino ang taong nasa likod ng mga pagpatay sa kanilang lugar bago pa sila maging biktima.

Habang pinapanood ang intro ng pelikula, laking akala ko na isang satire ang Thanksgiving. Sobrang exaggerated at nakakatawa kasi ng mga nangyari sa riot. Hindi kapani-paniwala ang pagpanaw ng mga side characters na namatay dahil lang nadaganan ng glass door o tinamaan ng push cart. Matatanggap ko sana ito bilang isang dark comedy kung ito ang temang sinunod ng palabas pero kalaunan ay napagtanto kong seryoso pala ang kuwento nito.

Hindi na bago sa panahon ngayon ang mga killer na nakatago ang mukha sa maskara. Ilang ulit na itong ginawa sa mainstream at sa totoo lang ay nakakasawa na ito. Magugustuhan ko sana ang palabas kung kahit papaano ay likeable ang mga bida pero ni isa sa kanila ay walang kuwenta. Alam nilang nasa listahan sila ng mga papatayin pero parang wala lang sa kanila na anumang oras ay maaari nilang makaharap ang killer. Nagagawa pa nilang humarot, mamasyal at maglaro kahit na sunud-sunod na mga namamatay sa lugar nila. 

Masyado ring maraming karakter sa palabas na binigyan nila ng screen time kahit na wala namang silbi ang mga role nila. Patapos na ang palabas pero may mga tao pa rin akong hindi kilala at hindi maalala. May mga karakter ding kasama rito na ilang beses nagpapakita pero wala namang ambag sa kuwento. Siguro'y gusto lang nilang malito ang mga manonood para maraming pagsuspetsyahang killer. Ang problema nga lang ay hindi maganda ang pagkakasulat ng kuwento kaya sa simula palang ay halata na kung sino sa mga karakter ang mamamatay-tao.

Inantay ko na lang na matapos ang palabas kahit na ni isang eksena rito ay walang kaabang-abang. Kahit man lang sana sa aktingan sila bumawi pero maging ito ay hindi naibigay ng Thanksgiving. Kahit papaano, natuwa ako sa mala-Final Destination na paraan ng pagpatay sa pelikula. 'Yun lang ang tanging maganda sa palabas kahit na minsan ay walang logic ang mga death scenes na nangyari.


© Spyglass Media Group, Dragonfly Entertainment, Electromagnetic Productions

No comments:

Post a Comment