★★★★★★ ☆☆☆☆
Starring: Camila Mendes, Archie Renaux
Genre: Romance
Runtime: 1 hour, 44 minutes
Director: Carlson Young
Writer: Christine Lenig, Justin Matthews, Luke Spencer Roberts
Production: Amazon MGM Studios, Gulfstream Pictures
Country: USA
Intern si Ana (Camila Mendes) sa isang art auction company na ang tanging hangad ay ma-impress ang kaniyang boss na si Claire (Marisa Tomei). Kapag nakapasa kasi siya sa internship na ito ay magkaroon na siya ng maayos na trabaho at mapupunan na niya ang mga pangangailangan niya sa buhay.
Habang papunta sa isang international trip ay makakasalamuha ni Ana ang binatang si Will (Archie Renaux) sa loob ng eroplano. Mapagkakamalan ni Will si Ana bilang art director ng kumpanyang pinagtatrabahuhan niya at sasakyan naman ito ng dalaga. Ang mabubuong koneksyon ng dalawa ay mauuwi sa isang malaking kasinungalingan na siyang ikakapahamak ng kaniyang inaasam-asam na trabaho.
Marami ang nagsasabi na parang The Devil Wears Prada (2006) ang palabas na ito at nakikita ko ang ilang pagkakahalintulad ng dalawang palabas. Pareho kasi silang umiikot sa isang istriktong boss at inosenteng bida. May kaunting pagkakapareho pero para sa akin ay nailayo naman ng Upgraded, kahit papaano, ang sarili nito sa sikat na pelikula. Mas nag-focus kasi ang Upgraded sa love story ng bida at naging sub-plot na lamang ang kuwento nito sa pag-abot niya ng kaniyang mithiin.
Tipikal na romantic movie ang pelikulang ito. Hindi na bago ang love story ng bida na magsisimula sa isang white lie kaya predictable na ang kinalabasan ng palabas. Ganoon pa man ay nakaka-enjoy pa rin itong panoorin dahil sa magandang chemistry nila Mendes at Renaux. The Devil Wears Prada coded man ang kuwento pero hindi naman ito nagmukhang copycat dahil may sarili itong pagkakakilanlan.
Walang kakaiba sa kuwento. Ang ginawa lang nila dito ay pinagtagpi nila ang dalawang cliche na kuwento at bumuo ng sarili nilang storyline. Naging maayos naman ang output ng palabas dahil nagustuhan ko ito. May dala itong kilig. Hindi siya nakaka-boring panoorin dahil susuportahan at aabangan mo talaga ang takbo ng kuwento ng bida. One dimensional man ang mga supporting character at hindi gaanong de-kalibre ang aktingan ay hindi rin naman masasayang ang oras mo sa panonood nito.
© Amazon MGM Studios, Gulfstream Pictures
No comments:
Post a Comment