★★★★★★★ ☆☆☆
Starring: Kwon Sang-woo
Genre: Action, Comedy
Runtime: 1 hour, 50 minutes
Director: Choi Won-sub
Writer: Choi Won-sub, Shin Joong-ryul
Production: Berry Good Studio
Country: South Korea
Dating top secret agent si Jun (Kwon Sang-woo) na tinalikuran ang kaniyang buhay bilang isang hitman para tuparin ang matagal na niyang pangarap — ang maging isang comic artist.
Habang sinusubukan niyang mamuhay nang tahimik, nahirapan siyang abutin ang pangarap niyang maging sikat na web illustrator. Isang gabi, naisipan niyang gawing comic web series ang isang classified mission na ginawa niya noong siya'y hitman pa lamang at naging instant hit ito.
Kasabay ng pagsikat ng kaniyang web series, kailangan ngayong harapin ni Jun ang kaniyang nakaraan matapos siyang hanapin ng National Intelligence Service (NIS) na dati niyang kinabilangan at isang grupo ng terorista na nais maghiganti sa kaniya.
Aksyon at komedya — matagumpay na naipaghalo ng Hitman: Agent Jun ang mga elementong ito para maging enjoyable ang palabas. Napakanatural ni Kwon sa pagpapatawa. Mula sa mga facial expression, slapstick nuances at dialogue, ramdam mong gamay niya ang character niya at marunong siyang magpatawa nang hindi pilit. Gustong-gusto ko ang naging tandem nila ng kaniyang anak. Nakakaantig ang relasyon nilang dalawa at sa kabila ng mga pagpapatawa ay may puso itong taglay.
Isa rin sa mga standout dito ay ang animated scenes na isinisingit sa ilang bahagi ng pelikula. Malinis ito at sobrang creative. Nakadagdag ito ng kulay at personalidad sa kuwento, lalo na't may koneksyon ito sa background ng bida bilang comic artist. Hindi rin sila nagpahuli sa mga stunt at action scene. Ang nakakatuwa ay sa kalagitnaan ng mga maaaksyong eksena ay may mga naisisingit pa silang punchline para patawain ang audience. Ka-vibe ng pelikulang ito ang mga early 2000s na Hollywood action-comedy films.
Natural ang daloy ng bawat eksena. May mga prediksyon kang aakalain mong mangyayari pero ibang direksyon pala ang tatahakin ng istorya. Likable din ang lahat ng characters kahit na nabitin ako sa ilan sa kanila dahil hindi sila nabigyang magpakitang gilas bilang hitmen tulad nila Cheol (Lee Yi0kyung) at Deok-gyu (Jung Joon-Ho). Masyado silang nag-focus kay Jun. Overall ay enjoy panoorin ang pelikula, hahalakhak ka sa mga bawat eksena at mamahalin mo ang bawat karakter dito. Para itong John Wick na ginawang comedy.
© Berry Good Studio
No comments:
Post a Comment