Search a Movie

Wednesday, March 13, 2019

Ralph Breaks the Internet (2018)

Poster courtesy of IMP Awards
© Walt Disney Pictures
6 stars of 10
★★★★★★ ☆☆☆☆

Starring: John C. Reilly, Sarah Silverman
Genre: Animation, Adventure, Family, Fantasy
Runtime: 1 hour, 51 minutes

Director: Rich Moore, Phil Johnston
Writer: Phil Johnston, Pamela Ribon, Rich Moore (story), Jim Reardon (story), Josie Trinidad (story)
Production: Walt Disney Animation Studios, Walt Disney Pictures
Country: USA


Anim na taon simula nang magtagpo ang landas ng arcade game characters na sina Ralph (John C. Reilly) at Vanellope (Sarah Silverman) ay naging matalik na magkaibigan na ang dalawa. Habang masaya at kuntento na sa kaniyang buhay si Ralph ay inamin naman ni Vanellope na naghahanap siya ng bago at kakaiba sa kaniyang laro na Sugar Rush.

Bilang kaibigan ay gustong tulungan ni Ralph si Vanellope sa kaniyang hinahangad kaya naman gumawa ito ng isang hidden race track sa Sugar Rush upang muling magkaroon ng excitement ang laro ni Vanellope. Subalit ito na pala ang magiging sanhi ng pagkasira ng Sugar Rush dahilan upang tuluyan nang maisara ang laro.

Upang maisalba ang Sugar Rush ay nagtangka ang dalawa na magpunta sa internet sa pamamagitan ng Wi-Fi. Sa lugar na ito ay matatagpuan ni Vanellope ang isang karanasan na matagal na niyang hinahanap, kasabay nito ay ang unti-unting pagkasira naman ng pagkakaiban nila ni Ralph.

Wala nang ibang direksyon pang maaaring puntahan ang kuwento nila Ralph at Vanellope kundi ang pagpasok nila sa mundo ng world wide web. Mula sa isang simple arcade game ay naglevel-up ang kuwento ng dalawa sa mga online games na mas ikaka-relate ng mga henerasyong nabubuhay na sa mundo ng teknolohiya.

Maganda ang naging ideya ng pelikula na bigyan ng sariling dimensyon ang internet. Lahat ng bagay na bumubuo dito ay nagawan nila ng nakakawiling representasyon. Mula sa mga spam ads, internet virus, gamers at maging social media issues ay nabigyang pansin. Naipakita ng pelikula na ang buhay ngayon ay nahahati na sa dalawang mundo: ang realidad at ang internet.

Sa kuwento ng pelikula ako hindi masyadong humanga. Maganda ang naging paglalakbay ng dalawang bida subalit masyado nang luma para sa aking panlasa ang ginawang conflict sa kanilang istorya kung saan ang pagkakaibigan ng dalawa ay masusubok dahil sa pangarap ng isa na hindi naman kayang sabayan ng isa pa. Maaaring ika-relate sa totoong buhay ngunit hindi na bago at wala nang dating.

Hahangaan mo naman ang overall animation ng Ralph Breaks the Internet. Makulay at punong-puno ng malikhaing imahinasyon. Ang naging isyu ko lang siguro dito ay nakaka-agaw ng pansin ang laki ng mga kamay ni Ralph. Hindi ko alam kung pareho ang laki nito noong unang ipakilala si Ralph sa madla ngunit sa pagkakataong ito ay agaw-atensyon ang kaniyang mga kamay sa hindi magandang paraan. Gayun din ang naging boses ni Vanellope. Cute at makulit ang kaniyang anyo subalit kapag nagsalita ay parang nagmumurang matandang dalaga. 

Maganda ang naging ideya ng pelikula subalit hindi ako pinahanga ng naging kuwento nito. Ganoon din ang naramdaman ko sa mga bida, hindi na tulad ng dati kung saan sila talaga ang aabangan mo. Ang mas inabangan ko dito ay ang pagsasama-sama ng lahat ng Disney Princesses ala Avengers style. Sa totoo lang ay sila ang humatak sa palabas. Alam kong may kasunod pa ang kuwento nila Ralph at Vanellope at nawa'y maibalik nila ang ganda ng palabas na katulad ng nauna nilang ginawa noong 2012.


No comments:

Post a Comment