Search a Movie

Saturday, August 10, 2019

Saan Nagtatago ang Pag-Ibig? (1987)

Poster courtesy of IMDb
© Viva Films
8 stars of 10
★★★★★★★★ ☆☆

Starring: Vilma Santos, Tonton Gutierrez, Ricky Davao
Genre: Drama, Romance
Runtime: 2 hours, 14 minutes

Director: Eddie Garcia
Writer: Armando Lao, Gilda Olvidado
Production: Viva Films
Country: Philippines


Ang pelikula na nagbigay buhay sa iconic line na "Puro na lang si Val, si Val na walang malay!" mula sa karakter ni Vilma Santos na si Estella. Simpleng dalaga si Estella na umibig sa mayamang binata na si Ric (Ricky Davao) subalit nang mabuntis ni Ric si Estella ay kinakailangang nilang itago ang pagdadalang-tao nito sa takot na maaaring mawalan ng mana si Ric kapag nalaman ito ng kaniyang lola.

Ang naging solusyon ni Ric sa kaniyang problema ay ang palabasin na ang kapatid nitong si Val (Tonton Gutierrez), na mayroong diperensya sa pag-iisip, ang nakabuntis sa kaniyang nobya. Pumayag si Estella na magpanggap si Val bilang ama ng kaniyang dinadala. Nagpakasal ang sila at tumira si Estella sa kanilang tahanan.

Bilang asawa ni Val ay si Estella na ang tumayong tagapangalaga ng binata, dito niya matutunghayan ang mga pang-aalipusta kay Val ng sarili nitong pamilya. Si Estella lang ang tanging naging kakampi ni Val sa kanilang bahay at hindi naglaon ay namalayan na lang nitong umiibig na pala siya sa binata.

Ang Saan Nagtatago ang Pag-Ibig? ay isa sa mga kuwentong pag-ibig na mahirap nang mahanap sa panahon ngayon kung saan kadalasan sa mga love stories ay may sarili nang formula na sinusunod. Nakaka-antig ang naging istorya nito na kukurot sa iyong puso tuwing maaalala mo. Mas madadala ka pa sa naging takbo nito dahil sa mga artistang nagsiganapan sa palabas.

Sakto lang ang ipinamalas na pag-arte ni Santos sa kaniyang palabas. Halos papunta na kasi sa pagiging one-dimensional ang karakter nito pero nabigyan pa rin naman niya ng sariling timpla ang karakter niyang si Estella lalo na sa iconic scene na simula noon ay naging parte na ng pop culture. Sa kabilang banda, si Gutierrez ang masasabi kong umako sa spotlight ng pelikula. Kung hindi ko siya kilala ay aakalain kong may kakulangan talaga siya sa pag-iisip. Sa pelikulang ito ko nakita ang galing niya sa larangan ng pag-arte na hindi ko na masyadong nakikita ngayon sa TV. Hindi rin naman nagpahuli si Davao na sakto lang ang ginawang atake sa pagiging kontrabida. Makikita mo pa rin sa kaniya ang pagmamahal niya kay Estella subalit mas nanaig ang pagiging makasarili nito.

Hindi na ako magtataka kung isa ang Saan Nagtatago ang Pag-Ibig? sa mga Pinoy cult classic na kailanman ay hindi na mawawala sa pop culture. Mayroon itong magandang istorya, maayos na pacing, hindi pilit ang pakilig at nangingibabaw ang galing ng mga bida. Marunong kumuha ng simpatya at ang kuwento ay wala nang paliguy-ligoy pa.


No comments:

Post a Comment