Poster courtesy of IMP Awards © Screen Gems |
★★★★★★★ ☆☆☆
Starring: Jackson A. Dunn, Elizabeth Banks, David Denman
Genre: Drama, Horror, Mystery, Sci-Fi
Runtime: 1 hour, 30 minutes
Director: David Yarovesky
Writer: Brian Gunn, Mark Gunn
Production: Screen Gems, Stage 6 Films, The H Collective
Country: USA
Kunin mo ang kuwento ni Superman ngunit sa halip na maging superhero ay isa siyang kontrabida. Ganito ang istorya ng Birghtburn kung saan ang mag-asawang sina Tori (Elizabeth Banks) at Kyle Breyer (David Denman), na ilang taon nang hirap magka-anak, ay makakapulot ng batang magmumula sa isang spaceship na babagsak sa kanilang bukirin.
Palalakihin ng mag-asawa bilang normal na bata si Brandon Breyer (Jackson A. Dunn) subalit sa kaniyang paglaki ay kasabay nito ang kaniyang pagtuklas sa natatangi nitong kapangyarihan, ang kapangyarihan na siyang gagamitin niya laban sa mga taong umaabuso sa kaniya. Mula sa pagiging normal ay gugupuin ng kasakiman ang dalang kapangyarihan ni Brandon dahilan upang makapanakit siya ng kapwa maging ang itinuturing niyang pamilya.
Itong Brightburn ang klase ng pelikula kung saan bida ang kalaban. Hindi ito tulad ng Joker (2019) o ng Maleficent (2014) kung saan mo makikita ang soft side ng mga kilalang kontrabida. Dito ay hindi mo talaga kakampihan ang bida dahil sa kasamaan nito. Ipapasilip ng pelikula ang mundo kung saan ang isang superhuman ay napunta sa panig ng kasamaan.
Gusto ko ang pagiging madugo ng mga eksena sa kabila ng pagkakaroon nito ng batang bida. Dito mo makikita ang pagiging seryoso nila sa pagbuo ng isang totoong kontrabida na hindi playsafe na katulad sa iba. Masyadong explicit ang mga patayan sa pelikula na nagpapahiwatig na hindi ito ang tipo ng bida na nangangailangan ng iyong suporta bagkus ay kamumuhian at kasusuklaman mo siya. Ito ang rason kung bakit hindi ako nagkaroon ng emotional investment kay Brandon, mas nagkaroon ako ng simpatya sa mga biktima nito.
Magaling si Dunn sa kaniyang titular role. Nagampanan nito ng maayos ang hinihingi ng kaniyang karakter. Naipakita niya ang nakakatakot na personalidad ni Brandon gayun din na naipadama nito ang mga emosyon na nais niyang iparating sa pamamagitan lamang ng paggamit nito ng mga reaksyon sa kaniyang mukha lalo na ang kaniyang mga mata. Equally ay magaling rin ang ipinakita ni Banks bilang isang inang takot, balisa at nagdadalamhati.
Magandang panimula ang Birghtburn para sa isang mas malawak na universe kung ito man ang pinaplano ng movie producers na nasa likod nito. Kahit na hindi ako kampi sa bida ay nais ko pa rin siyang makita. Interesado pa rin ako sa kung ano ang magiging kuwento nito sa isang mas malawak na mundo.
No comments:
Post a Comment