Search a Movie

Saturday, April 11, 2020

Doctor Sleep (2019)

Poster courtesy of IMP Awards
© Warner Bros.
7 stars of 10
★★★★★★★ ☆☆☆

Starring: Ewan McGregor, Rebecca Ferguson, Kyliegh Curran
Genre: Fantasy, Horror, Thriller
Runtime: 2 hours, 32 minutes

Director: Mike Flanagan
Writer: Mike Flanagan, Stephen King (novel)
Production: Warner Bros., Intrepid Pictures, Vertigo Entertainment
Country: USA


Ilang taon ang lumipas matapos ang mga pangyayari sa The Shining (1980) ay nasa wastong gulang na ang batang si Dan Torrance (Ewan McGregor) upang mamuhay ng mag-isa. Sa kasalukuyan, kahit na minumulto pa rin siya ng kaniyang nakaraan dahil sa pagkakaroon nito ng psychic powers o ang tinatawag na "the shining," ay pinili ni Dan na mamuhay sa tahimik sa tulong ng maya't-mayang pag-inom nito ng alak upang ma-kontrol ang kaniyang kapangyarihan.

Makikilala ni Dan ang batang si Abra Stone (Kyliegh Curran) na katulad niya ay mayroon ding kaparehong kakayahan. Ang kapangyarihan na ito ang siyang magiging dahilan kung bakit target ngayon si Abra ng isang kulto na tinatawag na "True Knot," isang grupo ng mga imortal na pumapaslang ng mga bata upang makuha ang "singaw" na siyang bumubuhay sa kanila habang pinapahirapan ang kanilang biktima.

Sa kagustuhang mailigtas si Abra ay kinakailangan ngayon harapin ni Dan ang bagay na pilit niyang kinalilimutan — ito ay ang harapin muli ang mga multo ng hotel na siyang sumira sa kaniyang pamilya.

Ibang-iba ang naging kuwento ng Doctor Sleep kumpara sa The Shining at ang naging koneksyon lamang ng dalawang pelikula ay ang bida nitong si Dan at ang haunted hotel na parehong mapapanood sa simula at sa katapusan.

Nagustuhan ko ang effort ng team na muling isabuhay sina Wendy at Dan na kahit hindi ganoon kapulido ay nakuha naman nila ang istilo ng dalawang 80's character. Ganun din ang hotel sa dulo na siyang nagpanumbalik ng lahat ng alaala mula sa mga kaganapan sa The Shining. Nakakatuwa na makitang muli ang mga iconic na lugar, karakter at ang aftermath na nangyari sa hotel.

Pero para sa isang fan ng pelikula ay tingin ko'y hindi ito sasapat bilang tinawag itong sequel ng naturang palabas. Ang Doctor Sleep kasi ay mayroong ibang tono. Sa halip na maging psychological horror ay tila ba naging superhuman thriller ito dahil sa pagkakaroon ng kapangyarihan ng mga bida at kontrabida. Tila ba naging young-adult fantasy film ang labas nito dahil sa mga nakakatuwang superpower abilities nila na siyang nagpaalala sa akin sa pelikulang Twilight (2008).

Gayun pa man ay nagkaroon pa rin ako ng masayang panonood sa pelikula dahil katulad ng sinabi ko ay nakakatuwa ang iba't-ibang abilidad ng mga karakter. Kahit na alam ko na kung papaano ang itatakbo ng kuwento ay nakadama pa rin ako ng thrill dahil sa mga maaaksyong kaganapan. Isa na siguro sa mga nagpatindig ng aking balahibo ay ang eksena kasama ang isang batang manlalaro ng baseball. Makatotohanan ang dating ng eksena dahil sa magandang pag-arte, magandang visual effect, props, make-up at costume. Brutal kung brutal, walang itinatago. 

Walang bago sa kuwento. Nasayang ang galing dito nila McGregor at Rebecca Ferguson. Kung fan ka o pamilyar ka sa The Shining, ito lang siguro ang isa sa mga magiging rason kung bakit mo papanoorin ang Doctor Sleep. At iyon din ang dahilan kung bakit ko ito binigyan ng 7 sa halip na 6 dahil sa pagbabalik-tanaw sa lumang kuwento at kahit papaano'y maayos naman ang mga naging tagpo.


No comments:

Post a Comment