Search a Movie

Thursday, April 2, 2020

Countdown (2019)

Poster courtesy of IMP Awards
© Wrigley Pictures
6 stars of 10
★★★★★★ ☆☆☆☆

Starring: Elizabeth Lail, Jordan Calloway, Talitha Bateman
Genre: Horror, Thriller
Runtime: 1 hour, 30 minutes

Director: Justin Dec
Writer: Justin Dec
Production: Boies / Schiller Film Group, Wrigley Pictures
Country: USA


Sa panahon ngayon kung saan ang teknolohiya na ang pangunahing source of entertainment ng bawat tao, isang mobile application ang sisikat dahil sa kakayahan nitong malaman ang araw ng kamatayan ng sinumang gagamit nito.

Para kay Quinn Harris (Elizabeth Lail) ay isa lamang itong katuwaan at dahil sa kuryosidad ay susubukan niyang laruin ang naturang app. Isang araw ang ibinigay ng app na nalalabing oras para kay Quinn na ipinagsawalang-bahala lang ng dalaga sa pag-aakalang wala naman itong katotohanan. Subalit nang mapagtanto ni Quinn na isa-isa nang mamamatay ang mga taong gumamit ng app mula sa mga hindi pangkaraniwang aksidente ay magbabago ang paniniwala ni Quinn sa nangyayaring kababalaghan.

Susubukan niyang takbuhan ang kamatayan subalit nang malaman nitong maging ang kaniyang kapatid ay ginamit ang nasabing application ay kinakailangan ngayon niya itong harapin at labanan upang hindi malagay sa alanganin ang buhay niya at ng kaniyang kapatid.

Bibigyang buhay ng Countdown ang katanungang 'paano kung totoo ang mga nakasaad sa mga online death apps' na nakaka-enganyo dahil minsan ko na ring sinubukang alamin kung kailan ang araw ng 'di umano'y aking kamatayan. 

Tinahak ng pelikula ang direksyon ng Final Destination kung saan isang misteryosong nilalang ang maghahabol sa kanilang buhay kapag hindi nasunod ang plano ni kamatayan. Ayos lang sa akin dahil ang kawalan ng mukha ng kalaban ang nagbigay thrill sa palabas. Pero nagsimula bumaba ang kalidad ng pelikula nang bigyan nila ng pagkakakilanlan ang kalaban. Dahil dito ay nawala ang misteryo ng kuwento at nauwi ang palabas sa cliche na horror movie kung saan demonyo ang salarin.

Biglang nawalan ng saysay ang paggamit ng application dahil sa totoo lang ay kaya namang pumatay ng kalaban kahit wala ang naturang app. Ginamit lang nila ang teknolohiya upang makapang-hook ng mga manonood pero dumaan pa rin sila sa tipikal na istorya ng pananakot. Tuloy ay naging kakatawa ang istorya dahil kinailangan pang maging techie ng demonyo upang makapaghasik ng lagim.


No comments:

Post a Comment