Search a Movie

Thursday, October 27, 2016

Beauty and the Beast (1991)

Poster courtesy of IMP Awards
© Walt Disney Pictures
6 stars of 10 
★★★★★★ ☆☆☆☆

Starring: Paige O'Hara, Robby Benson, Richard White
Genre: Animation, Family, Fantasy, Musical, Romance
Runtime: 1 hour, 24 minutes

Director: Gary Trousdale, Kirk Wise
Writer: Linda Woolverton, Brenda Chapman (story), Chris Sanders (story)
Production: Walt Disney Pictures, Silver Screen Partners IV, Walt Disney Feature Animation
Country: USA


Ang Beauty and the Beast ang kauna-unahang animated film na nagkamit ng Academy Award nomination para sa Best Picture category. Maganda at makulay ang animations nito at may maayos na pagkakasulat sa bawat karakter. Masarap din sa pandinig ang mga kantang ginamit at higit sa lahat, bibigyan ka ng kilig at magagandang aral. Perpektong pormula para sa isang magandang pelikula na kagigiliwan ng mga bata at maaari na rin ng ilang matatanda.

Tungkol ito sa kuwento ng pag-ibig sa pagitan ng isang magandang dilag at isang prinsipeng isinumpa. Dahil sa pagiging arogante at makasarili ay isinumpa si Prince Adam (Robby Benson) na magkaroon ng hindi kanais-nais na hitsura. Matatanggal lamang ang sumpang ito kapag nakahanap siya ng taong magmamahal sa kaniya ng tunay sa kabila ng kaniyang kakaibang anyo. 

Dumating ang araw nang isang matandang imbentor, Maurice (Rex Everhart), ang nawala sa kakahuyan at nauwi sa kastilyo ng ngayo'y Beast na si Adam. Dahil sa pagpasok dito ng walang pahintulot ay dinakip at ikinulong ng Beast si Maurice. Hindi nagtagal, ang anak nitong si Belle (Paige O'Hara) ay natunton ang nawawalang ama sa tahanan ng Beast. Nang malaman nito na nakapiit ngayon ang kaniyang ama sa kastilyo ay pinaki-usapan ni Belle ang Beast na siya na lang ang ikulong sa halip na ang kaniyang ama. Sa pag-asang si Belle na ang matagal na hinihintay ng Beast na pag-ibig na maaaring makatanggal sa sumpa ay sinunod nito ang pakiusap ng dalaga at pinakawalan si Maurice kapalit ang pagkakakulong ng anak nito. Sa pagkakataong iyon, doon magsisimula ang isang pagkakaibigan na maaaring mauwi sa pag-iibigan.

Simple lang ang naging kuwento nito, walang gaanong iniikutan ang palabas kundi sa isang direksyon lang na maaaring nakikita na ng audience habang nanonood. May pagka-weirdo ang kuwento na kung ang tunay na buhay ang pagbabasehan ay tila mapapataas ka ng kilay. Pagdating sa animation nito, disente ang pagkakagawa subalit may mga pagkakataon lang na hindi mo maaninag ang emosyon mula sa bawat karakter. Hands down parin naman ako sa mga taong sumulat sa mga bida ng palabas dahil napakalawak ng imahinasyon ng mga taong nasa likod nito.

Hindi maitatangging ang Beauty and the Beast ang isa sa mga fairy tales na kailanman ay hindi makakalimutan sa industriya. Isa itong klasiko na paniguradong maipapasa sa bawat henerasyon, na kahit anong opinion man ang makuha nito ay mababali-wala lang dahil sa mahigpit na pagyakap ng madla.


No comments:

Post a Comment