Search a Movie

Sunday, October 23, 2016

Spotlight (2015)

Poster courtesy of IMP Awards
© Open Road Films
8 stars of 10 
★★★★★★ ☆☆

Starring: Mark Ruffalo, Rachel McAdams, Michael Keaton, Liev Schreiber
Genre: Biography, Drama, History
Runtime: 2 hours, 9 minutes

Director: Tom McCarthy
Writer: Tom McCarthy, Josh Singer
Production: Anonymous Content, First Look Media, Participant Media, Rocklin/Faust
Country: USA


Ang Spotlight ay isang pelikula na tumatalakay sa seryosong isyu ng child molestation. Ang mga sexual abuse na ginagawa ng mga taong hindi natin aasahang gagawa ng kasuklam-suklam na gawain - ang mga pari.

Ito ay ibinase sa totoong kuwento at pangyayari mula sa point of view ng Spotlight team, ang grupo ng mga manunulat mula sa The Boston Globe na nagsusulat ng mga artikulong sila mismo ang nagi-imbestiga. Nagsimula ang lahat nang magkaroon ng bagong editor ang The Boston Globe, si Marty Baron (Liev Schreiber). Nakuha ng atensyon nito ang isang artikulo tungkol sa sexual abuse na ginagawa ng isang pari sa mga kabataan, dahil dito ay hinikayat ni Marty ang Spotlight team na mag-imbestiga ukol rito.

Mula sa pamumuno ni Walter Robinson (Michael Keaton) ay sinimulan ng Spotlight ang pagsisiyasat sa nasabing artikulo. Dali-daling naghanap ng kaniya-kaniyang impormasyon ang mga manunulat na sina Michael Rezendes (Mark Ruffalo) at Sacha Pfeiffer (Rachel McAdams) patungkol sa isyu at dito nila madidiskubre ang isang eskandalong gigimbal sa mundo ng buong simbahang katoliko.

Isang napakagandang pelikula na mula sa istorya at bawat artistang nagsisiganap ay mapapahanga ka. Napakagaling ng buong cast ng pelikula lalo na kina McAdams at Ruffalo na nagpamalas ng kahanga-hangang pag-arte. Sila ang nagbigay buhay sa mga emosyong nararamdaman mo habang pinapanood mo ang napaka-kontrobersyal na tema ng pelikula. 

Sa simula'y nahirapan akong sundan ang kuwento, mahirap makisabay sa bilis ng mga pagpapalitan ng linya ng mga karakter ngunit sa pag-usad ng kuwento ay para rin itong detective movie na unti-unting ilalabas ang bawat piraso ng malaking litrato hanggang sa ikaw mismo ay sumasabay na sa pagbuo nito. Napaka-intense ang bawat eksena at maya't-maya ay kinakailangan mong paalalahanan ang iyong sarili na ang pinapanood mong eksena ay nangyari sa tunay buhay, titimbangin talaga nito kung gaano katatag ang iyong moral at ang iyong pananampalataya.

Mahusay ang pagkakagawa ng bawat eksena, ito'y nilapatan pa ng napakagandang musika na talagang aayon sa emosyong iyong mararamdaman. Magkakaroon ka ng disgusto sa kuwento ng palabas matapos mo itong panoorin at iyon ang magpapatunay na nabigyang hustisya ni Tom McCarthy ang pagsasadula sa isang eskandalong nagbigay lamat sa mga taong inaasahan nating may santong na pag-uugali.


No comments:

Post a Comment