Search a Movie

Saturday, October 22, 2016

Beauty and the Bestie (2015)

Poster courtesy of ABS-CBN
© Star Cinema
5 stars of 10 
★★★★★ ☆☆☆☆☆

Starring: Vice Ganda, Coco Martin, James Reid, Nadine Lustre
Genre: Action, Comedy
Runtime: 1 hour, 59 minutes

Director: Wenn Deramas
Writer: Wenn Deramas
Production: VIVA Films, Star Cinema
Country: Philippines



Beauty and the Bestie ang isa sa highest-grossing Filipino film sa bansa at hindi na ako magtataka dahil sa lakas ng hatak ng bida nito na si Vice Ganda, sinamahan pa ng love team nila James Reid at Nadine Lustre na mas kilala bilang JaDine. Tingin ko'y pinilahan ang pelikulang ito dahil sa mga artistang nagsiganapan at hindi dahil sa istorya nito na iikot sa magkaibigang Emman Castillo (Coco Martin) at Eric "Erika" Villavicencio (Vice Ganda). 

Isang secret service agent si Emman na kinailangan ang tulong ni Erika upang magpanggap bilang si Ms. Uzeklovakia sa isang patimpalak matapos ma-kidnap ang tunay na Ms. Uzeklovakia ng mga terorista na pinamumunuan ng isang Japanese Yakuza. Dahil sa pagpapanggap na ito ay mauuwi sa panganib ang buhay ni Erika. Habang tinatakbuhan ang gulo ay magtutulungan sina Emman at Erika sa paghuli sa mga taong nasa likod ng panginidnap na ito at kasabay nito ay susubukan ng dalawa na ayusin ang dating nagkalamat na pagkakaibigan.

Marunong magpatawa si Vice at ito ang sinubukan niyang gawin sa kaniyang pelikula ngunit hindi na ito katulad ng dati dahil halos lahat ng punchlines at pagpapatawa na ginawa niya rito ay lumabas na trying hard at corny. Makikita mo parin naman ang galing niya bilang isang komedyante, sa katunayan, ang panlalait na kalimitan niyang ginagamit na medium upang magpatawa ay nabawasan dito sa kaniyang palabas at may mangilan-ngilan din namang tirada na mapapatawa ka talaga.

Sa pagkakataong ito ay hindi na rin umubra ang pagpapa-cute ni Coco sa harap ng camera. Ang karakter dapat nito, bilang isang agent, ang sana'y magbibigay ng aksyon sa pelikula ngunit maging siya ay nakihati sa komedya na dapat kay Vice magmumula at dito napag-iwanan ang aksyon na dapat ay parte ng palabas. Masyadong nag-focus si Wenn Deramas na gawing katuwa-tuwa ang kaniyang pelikula kahit na napapahamak na ang istorya. May mga plotholes na nabubuo para lang may maipasok na punchlines, at kaliwa't-kanan din ang promotions ng mga ABS-CBN shows.

Muntik ko na rin makalimutan ang JaDine na tila isiningit lang upang magkaroon ng dagdag na manonood ang pelikula. Walang ganap sa kuwento ng kanilang karakter at nagsilbi lang silang display sa pelikula na kahit na alisin mo ang subplot na inilaan para sa kanila ay hindi ito kawalan sa main plot.

Mapapatawa ka ng Beauty and the Bestie dahil mula simula hanggang sa wakas ay pinuno ito ng punchlines at mga karakter na para sa akin ay corny ngunit hindi ko rin naman masasabi kung nagustuhan ito ng iba dahil may kaniya-kaniya tayong tipo ng humor. Ito ay nahahanay sa mga uri ng pelikula na may mga kuwentong hindi mo kailangang seryosohin dahil mag-iinit lang ang ulo mo, mabuti na lang at naisalba nila ito, kahit papaano, sa mga hirit ni Vice Ganda.


No comments:

Post a Comment