Poster courtesy of IMP Awards © Focus Features |
★★★★★★★★ ☆☆
Starring: Amy Adams, Jake Gyllenhaal, Michael Shannon
Genre: Crime, Drama, Thriller
Runtime: 1 hour, 56 minutes
Director: Tom Ford
Writer: Tom Ford, Austin Wright (novel)
Production: Focus Features, Fade to Black Productions, Artina Films, Perfect World Pictures
Country: USA
Bagamat mayaman at marangya ang buhay ng art gallery owner na si Susan Morrow (Amy Adams) ay binabalot parin siya ng kalungkutan na mas pinalala pa ng natanggap nitong draft mula sa nobelang sinulat ng kaniyang dating asawa na si Edward Sheffield (Jake Gyllenhaal) kalakip ng isang imbitasyon para sa isang hapunan.
Nang simulan ni Susan ang pagbabasa sa naturang nobela ay hindi na nito tinigilan pa ang naturang libro. Tungkol ito sa isang pamilya na habang nasa biyahe ay sapilitan silang pinagsamantalahan ng tatlong kalalakihan. Pinababa mula sa kanilang sasakyan ang padre pamilia samantalang dinukot naman ang kaniyang mag-ina upang gahasain at patayin.
Dahil sa malagim na istorya ng libro ay napa-gunita si Susan sa naging buhay nila ng kaniyang dating asawa. Kung paano nabuo ang pag-ibig sa pagitan nilang dalawa at kung paano rin ito unti-unting nasira.
Dark, disturbing, intense at nakaka-stress ang mga adjectives na maaari kong ibigay sa Nocturnal Animals. Dark dahil sa temang iikutan ng palabas, disturbing dahil sa mga mangyayaring tagpo at intense at nakaka-stress dahil naman sa mga karakter. Ngunit hindi ito ikinasama ng pelikula bagkus ay ito ang mga dahilan kung bakit maganda ang kinalabasan nito. Tatakutin ka ng palabas psychologically na siyang matagumpay nitong nagawa dahil sa pagiging bayolente ng mga tagpo na kung maaari ay laktawan na lang upang hindi masaksihan ang mga brutal na pangyayari.
Tatlong kuwento ang mapapanood sa Nocturnal Animals, ang real life, ang kuwentong laman ng nobela at ang nakaraan sa tunay na buhay. Ang istorya sa nobelang isinulat ng karakter sa palabas ang magdadala ng thrill dito. Na katulad ni Susan ay bibihagin nito ang iyong atensyon upang tumutok sa kahihinatnan ng mga karakter sa libro. Na kahit hindi na kaya ng iyong kalooban ang mga iyong napapanood ay mapapakapit ka parin hanggang sa huli.
Ang isa sa mga pinaka-intense na kaganapan sa palabas ay sa eksena kung saan hinarang ng tatlong kalalakihan ang pamilya sa libro ni Edward upang pagsamantalahan. Magagalit ka sa bida nito at sa parehong pagkakataon ay mapapa-isip ka sa iyong kakayahan kung sakaling ikaw ang nasa katayuan nito.
Ito ang pelikulang hindi man gaanong binigyang pansin ng Oscars ay maraming ibubuga pagdating sa mga nakasabayan nitong pelikula. Maganda ang naging storytelling nito at napakagaling ng direksyong ginawa ni Tom Ford. Artistic ang bawat shots na ironically ay makikita sa mga disturbing scenes.
No comments:
Post a Comment