Poster courtesy of IMP Awards © All The Boys Productions |
6 stars of 10
★★★★★★ ☆☆☆☆
Starring: Lana Condor, Noah Centineo
Genre: Romance
Runtime: 1 hour, 39 minutes
Director: Susan Johnson
Writer: Sofia Alvarez, jenny Han (novel)
Production: All The Boys Productions, Awesomeness Films, Overbrook Entertainment
Country: USA
Hopeless romantic na maituturing ang high school student na si Lara Jean (Lana Condor). Mahiyain at takot na pumasok sa isang relasyon kaya naman hanggang sa pagsusulat na lang siya ng love letters at pagbabasa ng mga romance novels.
Noong siya ay bata-bata pa lamang ay limang love letters ang kaniyang isinulat para sa mga lalaking kaniyang natitipuhan. Dalawa dito ay si Josh (Israel Broussard), ang kasalukuyang boyfriend ng kaniyang ate, at si Peter (Noah Centineo) na boyfriend naman ng kaniyang dating kaibigan. Simpleng sulat lang ito mula sa kaniyang nararamdaman na hindi niya planong ipadala kailanman. Iyon ang kaniyang inaakala dahil nang malaman ng kaniyang nakakabatang kapatid ang tungkol dito ay agad niyang ipinadala ang limang sulat sa limang lalaki na dating nagustuhan ni Lara Jean. Doon na nagbago ang kaniyang buhay.
Concept-wise ay napaka-promising ng pelikulang ito. Makukuha talaga nito ang iyong interes dahil sa tila bagong kuwento na hatid nito. Title pa lang ay tunog adventure na ang nais nitong iparating. Isama mo pa ang marketing nito na talaga namang hahakutin ang buong sambayan ng mga hopeless romantics.
Naging kakaiba rin ito dahil sa bida nitong Asian, na malimit lang makita sa mga Hollywood movies. Karaniwang nagbibida lang ang mga Asian actors tuwing Asian-related ang istorya ng isang palabas. Iba ang To All the Boys I've Loved Before dahil normal story lang ito na maaaring pagbidahan ng sinuman, at sa pagkakataong ito ay si Condor ang napili na isang Asyano.
Ang mga naunang sinabi ko ay ang naging impression ko sa palabas bago ko pa man ito simulang panoorin. Noong pinanood ko na ito, hindi ko maide-deny ang ganda ng chemistry ng dalawang bida. Nakakakilig nga. Kitang-kita mo ang spark sa pagitan nila Cordon at Centineo dahil narin sa maayos na pagsasabuhay nila sa kanilang mga karakter.
Ang naging problema lang sa naturang palabas ay nai-set aside ang napakaganda nitong concept para lang sa isang fake boyfriend-girlfriend love story na alam naman nating lahat na ilang beses na itong ginawa sa iba't-ibang pelikula, iba't-ibang henerasyon at iba't-ibang material. Ang mga ganitong kuwento, alam na natin kung saan ito papatungo. Nauwi sa pagiging cliche at predictable ang takbo ng istorya ng pelikula. Parang gumamit lang sila ng kakaibang concept upang makakuha ng sapat na manonood at ulitin lang ang old and proven nang istorya ng pag-ibig.
Sayang lang at hindi nila nagamit ng maayos ang karakter ni Josh at iba pang kasama sa naturang mga sulat. Ni hindi nga nagpakita ang dalawang lalaki mula sa lima. Nagsubok naman silang bigyan ng magandang character background ang dalawang bida sa pamamagitan ng palahad sa kaniya-kaniyang family issues nila kaso nga lang ay hindi ko magawang kumonekta sa kanilang kuwento dahil hindi ko naman kilala at wala akong alam sa mga taong pinag-uusapan nila.
Isang nasayang na konsepto na maganda sana kung nakapag-isip sila ng kakaibang love story para dito. Kaso ay hindi na sila nagdagdag ng bagong maihahain para dito. Mabuti na lang at magaling ang mga bumida, nakapagbigay naman sila ng kilig tulad ng inaasahan. Entertaining parin naman itong panoorin at maaaring maging guilty pleasure ng ilan.
No comments:
Post a Comment