Search a Movie

Wednesday, November 22, 2017

Luck at First Sight (2017)

Poster courtesy of My Movie World
© Viva Films
7 stars of 10
★★★★★★★ ☆☆☆

Starring: Jericho Rosales, Bela Padilla
Genre: Comedy, Romance
Runtime: 1 hour, 35 minutes

Director: Dan Villegas
Writer: Ays de Guzman, Bela Padilla (story), Neil Arce (story)
Production: Viva Films, N2
Country: Philippines


Si Joma Labayen (Jericho Rosales) ang tipo ng taong nagpapaniwala sa swerte. Kaya naman tuwing nagsusugal ito ay may mga dala siyang lucky charms. Kabaliktaran naman nito si Diane dela Cruz (Bela Padilla) na sa kabila ng kahirapan ay hindi naniniwala sa suwerte at malas.

Upang makabayad sa nagkapatung-patong na utang ay sinubukang hanapin ni Joma ang kaniyang "life charm" isang tao na diumano'y makapagbibigay ng suwerte sa kaniyang buhay. Dito niya makakadaupang-palad si Diane, na tuwing mapapalapit ito sa kaniya ay sunod-sunod na suwerte ang dumarating sa kaniya. Sa simula'y hindi naniwala si Diane sa naturang life charm ngunit nang mapatunayan ni Joma ang suwerte nila sa isa't-isa ay pumayag din ang dalaga na sumama kay Joma sa mga lakad nitong pagsusugal lalo't kinakailangan rin nito ngayon ng pera matapos ma-ospital ang kaniyang ama. Subalit may catch ang naturang suwerte ng dalawa, ito'y bawal silang ma-inlove sa isa't-isa bagkus ay kamalasan ang kapalit nito.

Predictable man ang naging takbo ng Luck at First Sight ay makukuha parin nito ang atensyon ng isang manonood. Ito'y dahil magaling ang dalawang bida nito. Maganda ang chemistry nila Rosales at Padilla on screen, may dala silang natural na kilig sa isa't-isa. Sila ang bumuhay sa pelikula.

Katulad ng inaasahan sa isang Jericho Rosales ay nagampanan niya ng maayos ang kaniyang karakter. Matutuwa ka sa kaniya at maiinis. Bibihagin naman ni Padilla ang iyong puso dahil sa ganda ng rehistro ng kaniyang mukha sa screen. Magaling din ang kaniyang comedic timing at nakaya niyang makipagsabayan kay Rosales. May kaunting problema nga lang sa kaniya pagdating sa mga dramatic scenes dahil hirap siyang ilabas ang tunay na emosyon ng kaniyang karakter. Halatang hirap pa ito sa pag-iyak at tila conscious pa siya sa kaniyang ginagawa.

Isang pelikulang mamahalin mo ang bawat karakter. Maganda ang naging direksyon ng pelikula at maibibigay nito ang hanap mong kilig at saya.


No comments:

Post a Comment