★★★★★★★★ ☆☆
Starring: Nick Robinson, Katherine Langford, Alexandra Shipp, Jorge Lendeborg Jr.
Genre: Comedy, Drama, Romance
Runtime: 1 hour, 50 minutes
Director: Greg Berlanti
Writer: Isaac Aptaker, Elizabeth Berger, Becky Albertalli (novel)
Production: Fox 2000 Pictures, New Leaf Literary & Media, Temple Hill Entertainment, Twisted Media
Country: USA
Perpekto at normal na sana na maituturing ang buhay teenager ni Simon Spier (Nick Robinson) dahil sa pagkakaroon nito ng magandang buhay, masayang pamilya, maaalalahanin na magulang, supportive na kapatid, at makulit na mga kaibigan. Ngunit lahat ng ito ay baliwala dahil sa kaniyang itinatagong sikreto... isa siyang kloseta.
Matagal nang itinatago ni Simon ang pagiging bading nito sa takot na baka mag-iba ang tingin sa kaniya ng mga mahal niya sa buhay at mas malala pa ay maaari siyang ma-bully sa kanilang paaralan. Kaya naman nang isang anonymous student, na nagtatago sa pangalang Blue, ang nag-post sa kanilang school discussion website tungkol sa pagiging closet gay nito ay nakahanap ng kakampi si Simon.
Nagpadala ng email si Simon kay Blue sa alyas na Jacques. Sa naging palitan ng dalawa ng kaniya-kaniyang karanasan sa buhay ay agad silang nagkagaanan ng loob. Unti-unting nahulob ang loob ni Simon kay Blue. Sa kasamaang palad, ang mga emails na ito ay aksidenteng mababasa ng kaklase niyang si Martin Addison (Logan Miller). Ang sikreto niyang ito ang gagamitin niya upang i-blackmail si Simon upang ilakad siya nito sa best friend niyang si Abby Suso (Alexandra Shipp) na matagal na niyang natitipuhan.
Upang mapangalagaan ang kaniyang sikreto ay susundin ni Simon ang mga kagustuhan ni Martin kahit na kapalit nito ay ang pagkasira ng tiwala ng kaniyang mga kaibigan sa kaniya.
Ang Love, Simon ay isang napakagandang representasyon ng mga paminta o ang mga bading na nagtatago pa rin sa kanilang kloseta. Marami ang makaka-relate dito lalo na't nangyayari ito sa totoong buhay. Maganda ang naging kuwento ng palabas, kahit na medyo sugar coated ito ng isang fantasized coming out story.
Ang isang nagpa-angat sa pelikula ay ang napakaganda nitong cast and characters. Bawat karakter ay may sariling partisipasyon sa buhay ni Simon, may kuwentong ipinamahagi at hindi naging one dimensional display lamang. Mapapa-ibig ang mga manonood sa kanila dahil puno ng saya at inspirasyon ang naidulot ng mga karakter lalo na ang pamilya at mga kaibigan ni Simon.
Maganda rin ang pagkakalapat ng misteryo ng kuwento, sa kung sino ang "Blue" na tinutukoy ng palabas. Mapapa-isip ka, mapapahula at katulad ng bida ay bubuhayin nito ang kuryosidad mo sa kung sino sa mga karakter ang nagtatago sa likod ng pangalang Blue. Isa pang nagustuhan ko pelikula ay ang aesthetic nito. Napakakulay at very millenial. Masarap sa mata ang color combinations nito at nakapagbigay ng cool at trendy vibe sa palabas.
Ang nakapag-thumbs down naman dito para sa akin ay ang cheesiness ng climax nito. Maganda ang pelikula dahil relateable ito at some point ngunit pagdating sa dulo ay masyado na itong exaggerated na hindi naman masama ngunit dahil dito ay maaari itong makapagbigay ng false hope. Maaari mang mangyari sa tunay na buhay ngunit malayo ito kung realidad na ang pag-uusapan. Gayunpaman, nakapagbigay kilig naman ang climax nito, sinagot ang mga katanungan at tinapos ang palabas ng walang bigat sa dibdib.
No comments:
Post a Comment