Poster courtesy of My Drama List © CJ Major Entertainment |
5 stars of 10
★★★★★ ☆☆☆☆☆
Starring: Pawat Chittsawangdee, Sadanont Durongkaweroj, Sukollawat Kanarot, Darisa Karnpoj
Genre: Drama, Romance
Runtime: 2 hours, 3 minutes
Director: Chookiat Sakveerakul
Writer: Sorawit Meungkeaw, Chookiat Sakveerakul
Production: CJ Major Entertainment
Country: Thailand
Magkaklase sa iisang paaralan sina Dew (Pawat Chittsawangdee) at Pop (Sadanont Durongkaweroj) na agad naging magkaibigan sa unang araw pa lamang ng pasukan. Ang pagkakaibigan na ito ay unti-unting lumago sa isang matamis na pagmamahalan. Subalit magiging malaking hadlang sa pag-iibigan nila Dew at Pop ang mga opinyon sa kanila ng kanilang mahal sa buhay lalo na't nabubuhay sila sa panahon kung saan ang pag-iibigan sa pagitan ng dalawang lalaki ay hindi pa tanggap ng lipunan.
Kuwento sa laganap na homophobia noong dekada nobenta sa bansang Thailand, ang ganda ng simula ng palabas. Kahit na hindi ganoong kagaling umarte ang mga batang bida ay na-hook ako sa kuwento ng dalawang estudyanteng nag-iibigan sa maling panahon. Masasabi kong cliché dahil ganito naman karaniwan ang kuwento ng mga LGBT films pero nakadama pa rin ako ng kilig, ng sakit, ng pangamba sa maaaring mangyari sa mga karakter.
Iyon nga lang ay biglang nagbago ang tono ng pelikula nang lumaki na ang mga bida. Mula sa kuwento ng homosexuality ay napunta ang pokus ng palabas sa heterosexual love. Para bang bigla na lang napag-isipan ng mga writers ng pelikula na ayaw na pala nila ng LGBT romance, bagkus ay doon na lang sila sa romantic story ng tipikal na straight lovers.
Naging weird ang takbo ng istorya dahil una ay agad papasok sa isipan mo ang pedophilia dahil sa pagkakaroon ng intimacy sa pagitan ng isang guro at isang estudyante. Okay na sana ang kuwento kung itinuloy nila ang psychological guilt bilang rason sa mga desisyon ng adult Pop (Sukollawat Kanarot) pero ginawa nilang mystical ang mga pangyayari at gumamit ng isang plot device na hindi ko na babanggitin dahil maaaring ma-spoil ang kuwento.
Pagdating ng present day ay awtomatikong nawala ang kilig na kanilang binuo. Bigla kasing bumaliktad ang mundo nito at tila ba biglaang nagkaroon ng panibagong kuwento ang pelikula. Mawawala ang emotional investment na ibinigay mo sa mga karakter at kung hindi mo agad mahuhulaan kung saan papatungo ang istorya ay mababagabag ka talaga. Walang chemistry sina Sukollawat Kanarot at Darisa Karnpoj at lahat ng mga pangyayari sa present day ay kung hindi weird ay cringe, exaggerated at overdramatic.
Sa totoo lang ay maganda naman ang plano nilang gawin kaso ay hindi nila ito nagawa ng maayos kaya pangit ang naging labas. Kung hindi lang dahil sa pagbibigay nila ng misteryo sa karakter ni Dew pagkatapos ng 23 years ay marami talaga ang bibitaw sa palabas.
Bibigyan ko sana ito ng 4-star rating dahil sa pagkasira ng istorya pero dahil nagustuhan ko naman ang simula at medyo nakabawi naman sila sa ginawa nilang twist sa dulo na siyang nagpaalala sa akin sa tunay na kuwento at muling nagparamdam sa bittersweet na love story nila Dew at Pop ay bibigyan ko pa ng isang star.
No comments:
Post a Comment