Search a Movie

Wednesday, June 3, 2020

Spider-Man: Far from Home (2019)

Poster courtesy of IMP Awards
© Marvel Studios
8 stars of 10
★★★★★★★★ ☆☆

Starring: Tom Holland, Jake Gyllenhaal, Samuel L. Jackson
Genre: Action, Adventure, Sci-Fi
Runtime: 2 hours, 9 minutes

Director: Jon Watts
Writer: Chris McKenna, Erik Sommers, Stan Lee (comcis), Steve Ditko (comics)
Production: Columbia Pictures, Pascal Pictures, Marvel Studios
Country: USA


Matapos ang mga kagnapan sa Avengers: Endgame (2019) ay ipagpapatuloy ni Peter Parker (Tom Holland) ang kaniyang buhay bilang isang estudyante na hindi tumanda sa kabila ng pagkawala ng mahigit limang taon dahil sa Thanos snap.

Sa isang field trip na inihanda ng kaniyang paaralan sa Europa ay pansamantalang isasantabi ni Peter ang kaniyang tungkulin bilang isang superhero upang pagtuunan ng pansin ang normal niyang buhay. Sa naturang biyahe ay tatangkain ni Peter na ipagtapat ang kaniyang pag-ibig sa kaklase nitong si MJ (Zendaya) subalit ang plano niyang ito ay mapupurnada sa pagdating ng isang bagong kakampi at bagong kalaban.

Sa pagkawala ng tatlong Avengers hero ay hihimukin ni Nick Fury (Samuel L. Jackson) ang tulong ni Spiderman upang harapin ang bagong kontrabida na sakto ring nasa lugar kung nasaan ang kanilang buong klase.

Sa totoo lang ay nakakalito ang "blip" na tinutukoy sa palabas. Kinailangan ko pang tumigil sa panonood upang basahin ito sa internet upang maliwanagan kung ano ang pagkakaiba nito sa snap.

Kilala ang Marvel sa pagkakaroon ng mga pelikula na mayroong witty humor pero mayroong mangilan-ilan silang palabas na ang paraan ng komedya ay nagiging pambata o minsan ay nagiging college humor para lang magpatawa. Nawawala ang pagiging matalino nito at nagpapasok ng kahit anong punchlines para lang magkaroon ng nakakatawang eksena. Ganito ang nangyari sa simula ng Spider-Man: Far from Home, marami itong comedy nonsense na cringe panoorin. Mabuti na lang at agad ding nabago ang tono nito nang maging seryoso na ang kuwento.

Sa kalagitnaan ko na naramdaman ang pagiging Marvel nito. Ang astig na visual effects, mga action sequences na mayroong magandang choregraphy, humor na hindi pilit at ilang pang elemento na rason kung bakit inaabangan ang kanilang mga gawa. Enjoy itong panoorin at hindi masasayang ang iyong oras. 

Nagustuhan ko ang kuwento ng bagong Spider-Man installment na ito dahil sa pagkakaroon nito ng kakaibang kontrabida. Binubuo ito ng maraming tao at katulad ni Spider-Man ay nakabase lang din ito sa teknolohiya kaya pantay ang laban. Hindi ko na masyadong palalawigin pa ang kuwento dahil baka ma-spoil ko pa ang istorya.

Magandang follow-up sa Avengers: Endgame (2019) ang Spider-Man: Far from Home. Naipakita nito ang naging aftermath matapos ang matinding sagupaan sa pagitan ng Avengers at ng hukbo ni Thanos. Nakakalungkot pa rin tuwing nagkakaroon ang pelikula ng reference sa mga fallen heroes pero isa itong pagpapaalala na nasa bagong phase na ang Marvel Cinematic Universe.


No comments:

Post a Comment