Search a Movie

Saturday, November 14, 2020

Mariquina (2014)

7 stars of 10
★★★★★★★ ☆☆☆

Starring: Mylene Dizon, Ricky Davao, Barbie Forteza
Genre: Drama
Runtime: 1 hour, 56 minutes

Director: Milo Sogueco
Writer: Jerrold Tarog, Henry Burgos (story), Milo Sogueco (story), Gay Ace Domingo (story)
Production: Ten17P
Country: Philippines


Sapatos. Ito na ang kinalakihang mundo ni Imelda (Mylene Dizon). Tanyag bilang isang sapatero ang kaniyang ama na si Romeo (Ricky Davao) na malaki ang naitulong sa industirya ng paggawa ng mga sapatos sa panahon ng pamumuno ni Marcos. Subalit ang salitang ito ay malaki na ang naging lamat sa alaala ni Imelda sa kaniyang pagtanda. Ngayong nasa tamang edad na at may sarili na ring negosyo ay muling nanumbalik sa kaniyang alaala ang mga pangyayari sa kaniyang pagkabata na pilit niyang kinakalimutan nang makarating sa kaniya ang isang balita... ang kaniyang amang si Romeo ay pumanaw na matapos magpatiwakal.

Sa paghahanda para sa libing ng yumaong ama ay may isang bagay pang kailangang gawin si Imelda at ito ay ang bigyan ng sapatos si Romeo na isusuot nito para sa kaniyang sariling burol. Sa paghahanap na ito ng tamang sapatos mapagtatanto ni Imelda kung papaanong nasira at nabago ang kanilang buhay dahil lang sa mga hindi pagkakaunwaang dinala nila sa kanilang pagtanda.

Sa pelikulang ito nabigyang pansin ang dating pangunguna ng Marikina sa industirya ng paggawa ng mga handmade na damit sa paa. Mapapanood rin dito kung papaano sila unti-unting bumagsak at nawala sa sirkulasyon. Maganda ang naging kuwento ng Mariquina, simple pero makatotohanan. Mula ito sa point of view ng isang batang lumaki mula sa isang broken family. Wala ka masyadong mapapanood na malalaking ganap, bagkus ay ipapakita lang dito ang sunud-sunod na pangyayari kung papaanong nasira ang pamilya ni Imelda at kung ano ang naging epekto nito sa bida. Maaaring boring sa ilang manonood ang naging storytelling nito pero kung naghahanap ka ng simple subalit may makabuluhang kuwento ay ire-recommend ko ito para sa iyo.

Sa pelikulang ito ay nag-shine sina Davao at Dizon. Si Dizon ang bumuo ng overall vibe ng pelikula na madarama at depressing. Hindi man umiyak o magpakita ng matinding emosyon ay madarama mo pa rin sa kaniya ang matinding galit, kalungkutan at pagsisisi. Si Davao naman ang naging epitome ng mataas ang lipad na unti-unting bumagsak. Parehong nakapagbigay ng mahusay at nakakadalang pag-arte.

Hindi para sa lahat ang Mariquina pero kung bubusisiin ang nais iparating ng pelikula ay mapupunta ito sa sikat na kasabihang "nasa huli ang pagsisisi" pero kahit gayun pa man, may pagkakataon pa ring bumangon, magpatawad, humingi ng tawad at magsimula muli.


Poster courtesy of IMDb.


No comments:

Post a Comment