Search a Movie

Tuesday, November 10, 2020

Onward (2020)

7 stars of 10
★★★★★★★ ☆☆☆

Starring: Tom Holland, Chris Pratt
Genre: Animation, Adventure, Comedy, Family, Fantasy
Runtime: 1 hour, 42 minutes

Director: Dan Scanlon
Writer: Dan Scanlon, Jason Headley, Keith Bunin
Production: Walt Disney Pictures, Pixar Animation Studios
Country: USA


Sa mundo kung saan ay payapang namumuhay ang mga iba't ibang elemento ay unti-unti nang ibinabaon sa limot ng makabagong teknolohiya ang dati nilang buhay na sagana sa mahika. Ang mundo kung saan ang salamangka ay nasa nakaraan na lamang ay ang nakagisnan nang buhay ng teenage elf ni Ian Lightfoot (Tom Holland) na tatapak na sa ika-16 na gulang.

Sa pagsapit ng kaniyang kaarawan ay isang regalo mula sa namayapang ama ang matatanggap ni Ian, isang magical staff, isang phoenix gem, at sulat kung saan naglalaman ang isang "visitation spell" na maaaring bumuhay sa kanilang ama sa loob ng 24 oras. Aksidenteng maibabalik ni Ian ang kaniyang ama. Ang problema ay kalahati lang ng katawan nito ang kaniyang naibalik bago tuluyang naglaho ang natanggap na birlyante.

Sa mabilis na pagtakbo ng oras ay kinakailangan ngayong maghanap ni Ian ng isang pang phoenix gem nang sa gayon ay matapos nito ang enkantasyon at maibalik ang kaniyang ama. Sa tulong ng kapatid na si Barley Lightfoot (Chris Pratt) na simula bata ay nakahiligan na ang pagdiskubre ng mahika ay makikipagsapalaran ang dalawa sa isang pambihirang ekspedisyon para sa hangarin ni Ian na makaharap ang kaniyang ama sa una at huling pagkakataon.

Relatable ang naging istorya ng Onward lalo na sa mga manonood na maagang nawalan ng ama. Isang magical adventure ang ipapamalas ng naturang palabas na magbibigay importansya sa pagmamahal ng isang kapatid. Nagustuhan ko ang ginawa nila na unti-unting nawala ang mahika nang dahil sa teknolohiya, magandang metaphor para sa kasalukuyang panahon. Siguro ay na-wirduhan lang ako sa pagkakaroon ng kalahating katawan sa palabas. Bukod sa wala naman itong gaanong naitulong sa istorya, dahil maaari naman silang maghanap ng wala ang nasabing katawan, ay binigyan pa ako nito ng ligalig habang nanonood.

Nagustuhan ko rin na nagkaroon ng sariling adventure at sub-plot ang nanay ng magkapatid upang hindi siya mapag-iwanan at ma-etsapwera dahil parte naman siya ng pamilya. Gusto ko rin na hindi lang siya isang simpleng nanay bagkus ay astig at may ibubuga rin.

Maganda ang animation ng Onward, ang CGI at ang color grading. Pambata ang dating. Masarap sa matang panoorin ang pagiging makulay nito. Tunay na pang-pamilya. Mayroong dramatic undertone at medyo bittersweet nga lang ang ending. Speaking of ending ay hindi ko gaanong nagustuhan ang ginawa nila sa dulo. Oo, may punto silang nais iparating pero masyadong naging in your face at cheesy ang naging labas nito. Anti-climactic tuloy siya para sa akin dahil hindi nakamit ng bida ang kaniyang layunin. Sa kabila nito ay may natutunan naman siyang magandang aral sa buhay at ito ay ang pagbibigay ng pagmamahal at importansya sa mga taong nasa paligid niya, huwag nang manatili sa nakaraan.


Poster courtesy of IMP Awards.


No comments:

Post a Comment