Search a Movie

Wednesday, January 11, 2017

Deadpool (2016)

Poster courtesy of IMP Awards
© 20th Century Fox
8 stars of 10
★★★★★★★★ ☆☆

Starring: Ryan Reynolds, Ed Skrein, Morena Baccarin
Genre: Action, Comedy, Romance, Sci-Fi
Runtime: 1 hour, 48 minutes

Director: Tim Miller
Writer: Rhett Reese, Paul Wernick, Fabian Nicieza (comics), Rob Liefeld (comics)
Production: 20th Century Fox, Marvel Entertainment, Kinberg Genre, The Donners' Company, TSG Entertainment
Country: USA


Isang dating special forces operative si Wade Wilson (Ryan Reynolds) na nahulog ang loob sa isang escort na si Vanessa (Morena Baccarin). Matapos itong mag-propose sa dalaga ay na-diagnose si Wade na mayroong cancer sa liver, lung, prostate at sa utak. Nang malaman ang kaniyang karamdaman ay kusa nitong iniwan si Vanessa. Isang recruiter ang lumapit kay Wade at nag-alok ng gamot para sa kaniyang cancer. Urong-sulong man ay pumayag si Wade sa eksperimentong nauwi sa kabiguan at naging sanhi ng pagkasira ng kaniyang hitsura.

Dahil sa mutation-activating serum na itinurok sa kaniya ay nagkaroon si Wade ng kakayanang maghilom sa anumang sugat na kaniyang natatamo. Nang makaligtas mula sa tangkang pagpaslang sa kaniya ay nagtago si Wade bilang si Deadpool, isang masked vigilante na nais gumanti sa mga taong sumira sa kaniyang normal na buhay at panlabas na anyo.

Simula pa lang, as in literal na opening credits pa lang ay bibigyan ka na ng katatawanan nitong pelikula dahil sa kakaiba at nakakatuwang panimula nito. At ilang minuto matapos maipakilala ang bida ng palabas ay mamahalin mo na agad ito. Iyong tipong mapapabalik-tanaw ka pa sa mga ibang Marvel characters at wala ka nang ibang maisip na maaaring pumantay sa pagiging astig ni Deadpool.

Kumpara sa naunang superhero movies ay mas brutal at gory ang labanan dito na malimit lang nating makita sa ibang Marvel movies. Maganda ang action sequence at visual effects ng pelikula ngunit hindi ito ang magdadala rito kundi ang epic humor ng palabas. Wala akong nakitang wow factor sa naging storyline nito pero bilang manonood ay okay lang dahil masaya namang panoorin ang bida. Sa katunayan si Deadpool ang nagbuhat sa buong pelikula at mas mawiwili kang manood dahil sa kaniya at hindi dahil sa kuwento nito.

Bagay na bagay kay Reynolds ang kaniyang role na tila ba tailor-made ito para sa kaniya. Bukod kay Deadpool ay siya at si Tony Stark ang mga karakter na kaabang-abang sa buong franchise.

Nakakalito lang minsan ang ilang karakter na biglang magpapakita sa Marvel Cinematic Universe ngunit mas nauna mong nakilala sa X-Men series. Bukod sa ibang artista ang gumaganap dito ay iba rin ang kuwento nila dito kumpara sa naunang palabas kung saan mo sila nakilala. Kinakailangan mo pang paalalahanan na magkaibang kumpanya ang gumawa ng dalawang mundo na ito na siya namang maaaring ikalilito ng mga casual viewers.

Kung sawa na kayo sa mga seryosong superheroes ay marapat lamang na bigyan din nating pansin ang mga baliw na tagapagligtas. Sigurado akong hindi ka lang matatawa sa mga punchlines ng bida kundi pati sa makulit na soundtrack nito at sa mga panunukso sa mismong franchise na nagbigay-buhay sa kaniya.


No comments:

Post a Comment