Poster courtesy of AfterCredits.com © Lionsgate |
8 stars of 10
★★★★★★★★ ☆☆
Starring: Jeff Bridges, Chris Pine, Ben Foster, Gil Birmingham
Genre: Crime, Drama, Western
Runtime: 1 hour, 42 minutes
Director: David Mackenzie
Writer: Taylor Sheridan
Production: Film 44, OddLot Entertainment, Sidney Kimmel Entertainment
Country: USA
Para sa kapakanan ng mga anak, lahat ay gagawin ng isang mapagmahal na magulang. At ganoong tipo ng magulang si Toby Howard (Chris Pine). Upang mabigyan ng maayos na sustento at magandang buhay ang kaniyang dalawang binatilyong anak na nasa pangangalaga ng dati nitong asawa ay naisipan nitong manloob ng mga maliliit ng banko sa tulong ng kaniyang nakatatandang kapatid na si Tanner Howard (Ben Foster).
Ang kaso ng mga pagnanakaw na ito ay mapupunta sa dalawang Texas Rangers na sina Marcus Hamilton (Jeff Bridges) na malapit nang magretiro at ang partner nitong si Alberto Parker (Gil Birmingham) na palaging kontra pelo sa mga pamamaraan ni Hamilton. Sa paghaharap ng dalawang grupo, ilang buhay ang mawawala at isang pamumuhay ang mag-iiba.
Ito ang pelikulang nasa mga batuhan ng linya ang buong kuwento at kapag hindi mo binigyan ng atensyon ang dialogue ng mga bida ay mahihirapan kang sundan kung papaano ang ikot ng pelikulang iyong pinapanood. Kung ikaw ay naghahanap ng maaksyong palabas, maaari kang mainip dito dahil saka mo lang makukuha ang hinahanap mo pagdating na sa climax ng pelikula. Ngunit matitiyak ko na hahangaan mo ito kapag natapos mo na ang palabas dahil doon mo lang maa-appreciate ang ganda nito kapag natuldukan na ang istorya nito.
Kapani-paniwala ang mga ipinamalas na pag-arte ng bawat bida. Walang masyadong malalaking eksena si Bridges ngunit ang underacting niya ang hahangaan ng bawat tao sa palabas. Nandoon iyong pagiging swabe ng kaniyang karakter na nakikitaan parin ng mapagmalasakit na ugali. Mamahalin din ng mga manonood si Tanner na binigyang buhay ni Foster. Sa una'y maiinis ka dito ngunit pagdating sa dulo ay makukuha din nito ang simpatya mo.
Kahit kinulang ng malalamang eksena ang pelikula ay babawi naman sila sa climax nito. Matindi ang naging sagupaan ng dalawang kampo na sa pagkakataong iyon ay nahahati pa ang puso mo sa kung sino ang kakampihan mo. Ang intense na climax ay susundan naman ng satisfying na ending at doon ka lang makukumbinsi na ang pinanood mong palabas ay isang napakatalino at napakahusay na pelikula.
No comments:
Post a Comment