Genre: Comedy, Family
Runtime: 1 hour, 32 minutes
Director: Steve Carr
Writer: Chris Bowman, Hubbel Palmer, Kara Holden, James Patterson (novel), Chris Tebbetts (novel)
Production: CBS Films, James Patterson Entertainment, Participant Media
Country: USA
Bagong lipat sa paaralan ng Hills Village Middle School ang binatang si Rafe Khatchadorian (Griffin Gluck) matapos itong ma-kick out sa huli nitong eskwelahan. Dito niya makikilala ang istriktong principal na si Ken Dwight (Andy Daly) na pinamumunuan ang eskwelahan gamit ang mga walang kuwentang patakaran para sa ikagaganda ng kaniyang pangalan at hindi ng kaniyang mga estudyante. Sa tulong ng isang kaibigan, susubukang baguhin ni Rafe ang bulok na sistema ng kaniyang eskwela at ilabas ang mga itinatagong baho ng kanilang principal na siya ring maaaring maging sanhi upang siya'y maharap mula sa isang expulsion.
Napakakulay ng pelikula, mula sa kapaligiran hanggang sa mismong mga karakter nito. Nakakawili sa matang panoorin ang atmosphere ng pelikula na bumagay sa genre nitong comedy at pang-pamilya. Astig din ang mga idinagdag na animations dito na siyang naging representasyon sa imahinasyon ng bida. Bumagay din ang upbeat na music na ipinataw sa mga eksena upang mas maipadama ang saya at good vibes na dulot nito. Madaling mahalin ang mga karakter at gayundin na madali ka lang maiinis sa mga kontrabida.
Kung hindi pa dahil sa twist sa kuwento nito ay magiging average na pelikula lang ito na daraan at malilimutan sa pagdating ng mga bagong palabas. Ang twist na ito, na hindi ko inasahan, ang sumalba sa pelikula. Dahil doon ay nagkaroon ng element of drama ang palabas at mas nabigyang kahulugan ang naging takbo ng kuwento nito.
Siguro ang naging problema lang dito sa Middle School: The Worst Years of My Life ay masyadong halata ang mga continuity errors ng pelikula. Hindi rin gaanong satisfying ang climax nito at mas na-enjoy ko pa ang mga naunang prank na ginawa ng bida sa simula ng palabas. Hindi ko pa nababasa ang nobela kung saan ito ibinase ngunit maganda naman ang kinalabasan nito. Mapapa-thumbs up ka sa mga karakter, soundtrack, animation at sa kuwento.
No comments:
Post a Comment