Poster courtesy of IMP Awards © Charlie Chaplin Productions |
8 stars of 10
★★★★★★★★ ☆☆
Starring: Charlie Chaplin, Jackie Coogan
Genre: Comedy, Drama, Family
Runtime: 1 hour, 8 minutes
Director: Charlie Chaplin
Writer: Charlie Chaplin
Production: Charlie Chaplin Productions
Country: USA
Para sa kinabukasan ng kaniyang anak na sanggol ay naisipan ng isang babae (Edna Purviance) na iwan na lang ang anak nito sa likod ng isang mamahaling sasakyan sa pag-asang makita at alagaan siya nito ng may-ari. Ilang minuto pagkatapos ng kaniyang pag-iwan ay dalawang magnanakaw ang nang-carnap sa nasabing sasakyan. Nang makita ang bata ay dali-dali nila itong iniwan sa kalye.
Isang pobreng lalaki (Charlie Chaplin) ang makakakita sa bata. Siya ang mag-aalaga at magpapalaki rito. Sa kabila ng hirap ng kanilang estado ng buhay ay nagawa parin ng dalawang mamuhay ng masaya. Ngunit ang tahimik na buhay ng dalawa ay mahaharap sa isang suliranin nang malaman ng ibang tao na hindi pala ang lalaki ang tunay na ama ng bata (Jackie Coogan).
Ang nagustuhan ko sa mga silent films ay mayroon itong mga nakakahimok na musical scoring at hindi eksepsyon dito ang The Kid. Maganda ang pagkakasalin ng musika sa bawat eksena na bumabagay sa bawat emosyon na gusto nitong iparating. Kumbaga sa isang pagkain ay ito ang nagbibigay lasa sa palabas. Sa totoo lang ay ito ang pinakaunang obra ni Charlie Chaplin na napanood ko at hindi na ako magtataka kung papaano at bakit nito narating ang iconic status nito. Para sa isang silent film, ang aksyon ng mga bida nito ang bubuhay sa istorya at kahit wala itong dialogue ay nai-kuwento ng buong cast ang nakaka-engganyong storyline ng pelikula ng maayos.
Isa ang The Kid sa mga pelikulang matatawa ka talaga sa slapstick humor nito na bihira lang nating makita sa mga pelikulang pang-komedya na karaniwang corny ang nagiging dating sa pagka-slapstick nito. Sakto ang pagpasok ng mga katatawanan sa eksena kaya hindi nagiging trying hard ang labas nito. Sa buong palabas ay bibigyan ka nito ng ngiti sa mukha mula sa simula hanggang sa katapusan. Ngunit hindi lang purong katatawanan ang ibibigay nito sa mga manonood. Katulad nga ng sinabi sa simula ng palabas, "A comedy with a smile—and perhaps a tear.", magiging emosyonal ka rin dito. Kung kailan enjoy ka na sa panonood ay biglang papasok ang hindi inaasahang drama.
Napakagaling ng buong cast lalo na sa dalawang bida na sina Chaplin at Coogan. Kitang-kita mo sa pagitan ng dalawa ang pagmamahalan ng kanilang karakter kaya naman hindi sila mahirap mahalin. Lahat sila ay kayang magbigay ng tamang galaw at emosyon sa kabila ng kawalan ng palabas ng dialogue. Kung hindi ka mahilig sa mga silent film, maaari mo itong bigyan ng pagkakataon upang maiba ang tingin mo sa mga sinaunang palabas na ngayon ay itinuturing nang mga klasikong obra.
No comments:
Post a Comment