Poster courtesy of IMP Awards © Robert Wise Productions |
★★★★★★★ ☆☆☆
Starring: Julie Andrews, Christopher Plummer
Genre: Biography, Drama, Family, Music, Musical, Romance
Runtime: 2 hours, 54 minutes
Director: Robert Wise
Writer: Ernest Lehman, Howard Lindsay (novel), Russel Crouse (novel)
Production: Robert Wise Productions, Argyle Enterprises
Country: USA
Nangangarap na maging madre ang dalagang si Maria (Julie Andrews), ngunit dahil sa pagiging makulit at pasaway nito ay naisipan siyang ipadala ng Mother Abbess sa tahanan ng isang retiradong naval officer na si Captain von Trapp (Christopher Plummer) upang maging yaya sa pito nitong anak.
Taos-puso naman itong tinanggap ni Maria ngunit lingid sa kaniyang kaalaman ay walang nagtatagal na yaya ang mga bata dahil sa mga kalokohang ginagawa ng mga ito. Ito ang susubukang ayusin ni Maria gamit ang angking kabaitan, pasensya at ang pag-ibig nito sa musika. Unti-unti niyang makukuha ang loob ng mga bata at kasabay nito ay ang pagkahulog rin ng kaniyang loob sa biyudong si Captain von Trapp.
Napakabilis ng takbo ng istorya ng The Sound of Music kaya naman sa halos tatlong oras nito ay marami silang sinakop na iba't-ibang plots. Iyon nga lang, dahil sa pagiging fast-paced nito ay hindi mo tuloy gaanong ma-enjoy ang bawat kuwento dahil panandalian lang din ang mararamdaman mo sa bawat tagpo katulad ng kilig sa istorya ni Maria at Captain von Trapp at sa tuwa habang napapalapit ang loob ng mga bata kay Maria. Dahil din sa bilis nito ay hindi na gaanong nabigyan ng characterization ang pitong bata kahit na madali lang mapansin ang pagkakaiba nila ng personalidad sa isa't-isa. Pagsapit sa dulo, hindi ako masyadong nagka-interes sa Nazi plot nito dahil siguro hindi gaanong interesante ang itinakbo ng kuwento ngunit nakapagbigay naman sila ng thrill sa climax lalo na sa pagtakas ng pamilya von Trapp.
Pagdating sa pagiging musical ng palabas, napakaganda ng mga tunog, tugtog at kanta na ginamit dito kaya hindi problema kahit na paulit-ulit man nila kantahin sa pelikula ang mga piyesa. Makulit at nakakapagbigay din ng saya ang mga kanta na ginamit nila na tuwing naririnig mo ay mapapasabay ka sa ritmo nito. Mahusay ang dance choreography at baway indak ng mga karakter ay bumabagay sa eksena, hindi katulad ng ibang musical films na basta-basta na lang sumasayaw nang wala sa lugar.
Hindi problema ang mahabang oras ng The Sound of Music dahil bawat minuto nito ay ikawiwili ng bawat manonood. Mabilis ang mga pangyayari at wala nang paliguy-ligoy pa, magagaling ang mga artistang nagsiganapan sa bawat karakter at mapapa-ibig kang tunay sa bida nitong si Julie Andrews. Bagamat ang kasikatan nito sa kasalukuyan ay dahil sa meme na palagi nating nakakadaupang-palad sa internet ay maganda ring bigyang pansin ang mga klasikong pelikula na hinangaaan noon at hinahangaan parin ngayon.
No comments:
Post a Comment