Search a Movie

Wednesday, January 4, 2017

Don't Breathe (2016)

Poster courtesy of IMP Awards
© Screen Gems
8 stars of 10
★★★★★★★★ ☆☆

Starring: Jane Levy, Stephen Lang, Dylan Minnette
Genre: Crime, Horror, Thriller
Runtime: 1 hour, 28 minutes

Director: Fede Alvarez
Writer: Fede Alvarez, Rodo Sayagues
Production: Screen Gems, Stage 6 Films, Ghost House Pictures
Country: USA


Upang matustusan ang planong paglipat ni Rocky (Jane Levy) ng lugar kasama ang kaniyang kapatid, malayo sa walang kuwenta nitong ina at kinakasama ay nagtangka itong pagnakawan ang tahanan ng isang bulag na beteranong sundalo na si Norman Nordstrom (Stephen Lang) kasama ang dalawa nitong kaibigan na sina Money (Daniel Zovatto) at Alex (Dylan Minnette).

Sa pag-aakalang madali lang nilang makukuha ang pera dahil may kapansanan ang nagmamay-ari ng bahay ay naging kampante ang tatlo. Lingid sa kanilang kaalaman, ang inasahan nilang bulag na walang kalaban-laban ang siya palang magbibigay sa kanila ng matinding leksyon.

Sa panahon ngayon ay mahirap nang makahanap ng mga pelikulang may orihinal na kuwento at panaka-naka na lang ang pagdating ng mga tulad ng Don't Breathe na may nakaka-akit na storyline at hindi ka madidismaya kapag napanood mo na ng kabuuan nito. Napakaganda ng pagkakagawa ng pelikula. Sa simula pa lang ay madadala ka na ng musical scoring nito, na wala pa mang malaking kaganapan na nangyayari ay magsisimula ka nang kabahan sa iyong upuan. Napaka-artistic ng pagkakakuha ng bawat eksena at mas ramdam mo ang bawat pangyayari dahil sa mga close-up at slow motion scenes na ginawa ni Fede Alvarez. Hindi siya nag-focus sa mga jump scares bagkus ay ang tensyon mismo na nagaganap sa harapan ng iyong screen ay magbibigay sa'yo ng takot.

Ang isa pa sa ikinaganda ng pelikula ay hindi mo alam kung sino sa mga karakter ang dapat mong kampihan dahil alam mong lahat sila ay may ginawang kamalian. Subalit subconsciously ay papabor ka parin sa bida sa bandang huli lalo na sa twist na inilaan nila sa palabas. Mula sa simula hanggang sa katapusan ay nandoon ang tensyon, ang thrill at pati na ang suspense dahil kung kailan akala mo tapos na ay may hahabol pa palang kaganapan.

Maganda ang ipinalamas na pag-arte ng mga lalaking bida sa pelikula lalo na kay Lang. Sa kaniya nanggaling ang katatakutan sa pelikula na kahit wala siyang nakakatakot na itsura ay kakabahan ka sa bawat screen appearance niya. Magaling din ang naging portrayal ni Minnette bilang Alex, ang karakter niya ang magiging dahilan kung bakit papabor ka sa kanilang grupo sa kabila ng kasalanang kanilang ginawa. Ang problema lang ay hindi sila gaanong nasabayan ni Levy na kulang ang mga emosyong ipinakita sa kaniyang mga eksena. May pagkakataong damang-dama mo na ang takot sa kung ano man ang nangyayari sa palabas ngunit sa mga ekspresyon ni Levy ay tila hindi niya ito ramdam.

Sa pangkalahatan, isa ang pelikulang ito sa mga magandang i-rekomenda sa mga naghahanap ng matinding katatakutan nang hindi ka mapapahiya. Maganda ang istorya, at makikita mong hindi ito pinabayaan ng direktor. Sa naging katapusan nito, hindi na ako magtataka kung magkakaroon pa ang pelikula ng kasunod.


No comments:

Post a Comment