Poster courtesy of IMP Awards © New Regency Pictures |
8 stars of 10
★★★★★★★★ ☆☆
Starring: Rami Malek, Lucy Boynton, Gwilym Lee, Ben Hardy, Joe Mazzello
Genre: Biography, Drama, Music
Runtime: 2 hours, 14 minutes
Director: Bryan Singer
Writer: Anthony McCarten, Peter Morgan (story)
Production: GK Films, New Regency Pictures, Queen Films Ltd., Tribeca Productions
Country: USA, United Kingdom
"Smile" ang pangalan ng bandang kinabibilangan nila Brian May (Gwilym Lee) at Roger Taylor (Ben Hardy) na matapos silang iwan ng kanilang lead vocalist na si Tim Stafell (Jack Roth) ay tila nawalan na sila ng pag-asa. Hanggang sa dumating sa buhay nila si Farrokh Bulsara (Rami Malek) na siyang papalit sa puwestong iniwan ni Tim.
Isang binata na puno ng pangarap, mula sa pangalang Farrokh Bulsara ay makikilala siya bilang si Freddie Mercury, ang lead vocalist na magtataguyod sa bandang Smile na hindi kalaunan ay mapapalitan sa pangalang Queen na siyang makabubuo ng isang kasaysayan.
Hindi ko nakita si Malek sa pelikulang ito kundi si Freddie Mercury mismo. Kuhang-kuha niya ang kaniyang karakter na isinabuhay. Hindi lang ang hitsura kundi maging ang personalidad, galaw, mannerisms at maging ang pagiging sassy nito. Siya ang nagbuhat sa buong pelikula na dapat lang dahil siya ang bida.
Nakakamanghang sundan ang naging istorya hindi lang ni Freddie Mercury kung hindi maging ang bandang Queen mismo. Kung papaano nagsimula at nabuo ang isang alamat na makikilala sa buong mundo. Nakakawili ding sundan ang kuwento sa likod ng paglikha ng bawat kantang hanggang ngayon ay napakikinggan pa rin ng bawat henerasyon at ngayon ay itinuturing nang mga klasiko.
Hahangaan mo ang bawat detalyeng ibinuhos ng buong team sa pagbuo ng naturang pelikula. Mula sa set, costume design at make-up ay tila naibalik nila ang nakaraan. Maging ang mga artistang piniling magsiganapan sa mga kilalang karakter ay nabigyan nila ng hustisya.
Isa na siguro sa pinakapaborito kong parte ng palabas ay ang Live Aid concert na mula sa simula hanggang sa huli ay kuhang-kuha ang bawat bahagi ng konsyerto. Mula sa mga disposable cups na nakapatong sa piano, o ang istilo ng mga audience, maging ang mga extra sa background ay tila ba naibalik muli ang concert na naganap ilang taon na ang lumipas.
Isang napakagandang pelikula ang Bohemian Rhapsody na ginawa upang bigyang karangalan ang isang grupo na tumatak sa mundo ng musika. Hindi ka madidismaya dahil lahat ng parte ay hindi sasayangin ang oras na iyong igugugol sa panonood. Huwag nga lang masyadong magpaniwala sa ilang detalye na ipinakita dito dahil ang ilan ay pinalitan upang magkaroon ng mas maayos na screenplay.
No comments:
Post a Comment