Poster courtesy of IMDb © Universal Pictures |
★★★★★★ ☆☆☆☆
Starring: Jim Carrey, Taylor Momsen
Genre: Comedy, Fantasy, Family
Runtime: 1 hour, 44 minutes
Director: Ron Howard
Writer: Jeffrey Price, Peter S. Seaman, Dr. Seuss (story)
Production: Universal Pictures, Imagine Entertainment
Country: USA
Pasko ang pinaka-paboritong ipagdiwang ng mga nakatira sa lugar na Whoville maliban sa isa - ang Grinch (Jim Carrey) na punung-puno ng poot at pagkamuhi sa naturang pagdaraos. Ngunit nang dumating sa buhay niya ang batang si Cindy Lou Who (Taylor Momsen) ay biglang magbabago ang pananaw nito sa Pasko.
Isang tipikal na misunderstood bida-kontrabida ang naging kuwento ng How the Grinch Stole Christmas na dahil sa isang karakter na makakaintindi sa kaniyang pinagdaraanan ay unti-unting magbabago ang kaniyang buhay. Hindi man ang istorya ang naging pinakamagandang parte ng pelikula ay nagkaroon parin naman ito ng maayos na pagkukuwento at naihayag nito ng mabuti ang isa sa mga tunay na diwa ng Pasko, at ito ang pamilya.
Si Carrey ang nagbuhat sa buong pelikula. Hindi naman magiging iconic ang kaniyang karakter kung hindi niya ito nagampanan ng maayos. Nabalanse nito ang pagiging nakakatakot at sa parehong pagkakataon ay child-friendly ng kaniyang karakter na sapat na para sa isang pampamilyang palabas. Minsan ay exaggerated ang mga pagpapatawa nito na hindi bagay sa aking panlasa ngunit nagmistulan din naman itong parte ng personalidad ng Grinch, personalidad na tayong manonood lang ang nakakakita at hindi ang mga karakter sa pelikula.
Bukod kay Carrey ay gusto ko ring bigyan ng standing ovation na may kasamang palakpak ang aso nitong si Max (Kelley) na mas magaling pa sa mga ilang aktor kung umarte. Kayang-kaya nitong makipagsabayan sa kaniyang amo. Ang tandem nila ng Grinch ay nagbigay kulay sa pelikula.
Nagustuhan ko rin sa palabas ang aesthetic nito. Nakabuo sila ng hindi ordinaryong lugar na punung-puno ng imahinasyon. Dadalhin ka ng palabas sa isang magical na lugar dahil sa makulay, kakaiba at masaya nitong setting. Mula sa mga panulat, buhok, pananamit at mga bahay ay nakabuo ang palabas ng isang mukha ng Pasko.
Maganda ito bilang pelikula para sa buong pamilya, wholesome at may aral. Simple ang kuwento at magaling ang mga karakter. Matutuwa ka, maaantig at ipapamukha nito sa iyo ang kahalagahan ng pamilya sa araw ng Pasko.
No comments:
Post a Comment