Search a Movie

Friday, January 12, 2018

Working Beks (2016)

Poster courtesy og IMDb
© Viva Films
7 stars of 10
★★★★★★★ ☆☆☆

Starring: Edgar Allan Guzman, John Lapus, TJ Trinidad, Joey Paras, Prince Stefan
Genre: Comedy
Runtime: 1 hour, 51 minutes

Director: Chris Martinez
Writer: Chris Martinez
Production: Viva Films
Country: Philippines


Sa Pilipinas, malimit lang magkaroon ng isang comedy film na may matino at disenteng storyline. At isa ang Working Beks sa mga komedyang may maayos na kuwento. Ang palabas ay tungkol sa limang bading na may iba't-ibang estado sa buhay. Si Champ (Edgar Allan Guzman) ay isang superstar na nakatago sa kloseta at kasalukuyang umiiwas sa media dahil sa kaniyang sex scandal na kumalat sa internet. Number one fan niya si Gorgeous (John Lapus) na isang stall vendor sa harap ng kumpanya kung saan naman nagta-trabaho ang openly gay na si Tommy (TJ Trinidad).

Sa kabilang banda isa sa mga nakapanood ng scandal ni Champ ay si Mandy (Joey Paras) na pilit nagpapakalalaki at malapit nang ikasal. Ngunit sa kanilang lima, si Jet (Prince Stefan) ang may pinakamalalang problema nang mapagtanto nitong baka mayroon siyang HIV.

Ang ikinaganda ng pelikula ay natalakay dito ang iba't-ibang klase ng kabadingan. Mayroong cross-dresser, gay man at closet gay, at bawat karakter ay may sariling kuwento na iikot sa mga problemang karaniwang kinakaharap ng mga bading tulad ng pagtatago sa tunay mong seksuwalidad, homophobia, HIV, ang pagiging breadwinner ng pamilya at maging ang mga bading na gustong magkaroon ng asawa. Bawat kuwento ay may sariling aral na hinaluan ng ilang komedya upang mas maging entertaining para sa manonood.

Sa totoo lang hindi ang humor kundi ang kuwento at galing ng mga artistang nagsiganapan ang nagustuhan ko sa pelikula. Sa kanilang lahat ay si Guzman at Trinidad ang nagpakita ng kakaibang galing sa pag-arte. Nakaya nilang maging bading sa kabila ng kanilang pagiging tunay na lalaki. Kuhang-kuha ni Trinidad ang istilo ng isang bakla, mula sa mannerisms, galaw at pananalita. Sa kabilang banda naman ay ipinamalas ni Guzman ang galing niya bilang isang dramatic actor sa kaniyang breakdown scene.

Maging si Paras ay ipinakita rin ang galing nito sa drama at gayon din sa komedya. Pinilit ni Stefan ang makipagsabayan sa aktingan ngunit nagkaroon parin siya ng pagkukulang lalo na't ang kuwento niya ang isa sa mga nangangailangan ng matinding dramahan. Pagdating kay Lapus ay walang bago sa performance nito, katulad parin ng dati na sakto lang.

Underrated ang Working Beks. Magaling ang mga artista, maganda ang istorya at maayos ang entertainment value nito. Maging ang supporting characters ay hindi rin nagpahuli tulad nila Bela Padilla at Marlon Rivera. Kung naghahanap ka ng disenteng kuwento na may halong katatawanan ay itong pelikulang ito ang para sa iyo.


No comments:

Post a Comment