Poster courtesy of IMP Awards © GK Films |
★★★★★★★ ☆☆☆
Starring: Brad Pitt, Marion Cotillard
Genre: Drama, Romance, War
Runtime: 2 hours, 4 minutes
Director: Robert Zemeckis
Writer: Steven Knight
Production: GK Films, Huahua Media, Hurwitz Creative
Country: United Kingdom, USA
Noong panahon ng World War II, ang Wing Commander na si Max Vatan (Brad Pitt) ay ipinadala sa Morocco upang paslangin ang German ambassador. Ipinareha siya sa French Resistance fighter na si Marianne Beauséjour (Marion Cotillard), na pinagkakatiwalaan ng mga Germans, upang magpanggap bilang kaniyang asawa.
Sa pagsasama ng dalawa ay mahuhulog ang loob nila sa isa't-isa. At nang matapos ang kanilang misyon ay inalok ni Max si Marianne na sumama sa kaniya pabalik sa London kung saan sila magpapakasal, mamumuhay bilang mag-asawa at magkakaroon ng anak. Ngunit darating ang araw na mabubunyag ang katotohanan. Mapagtatanto ni Max na isa palang German spy ang kaniyang asawa at papipiliin siya sa dalawang kagustuhan: ang ipaglaban ang kaniyang bayan o sundin ang itinitibok ng kaniyang puso.
Ang Allied ay tungkol sa World War ngunit hindi sa barilan o anumang giyera iikot ang istorya nito bagkus ay bibigyan nito ng ibang timpla ang World War II sa pamamagitan ng pagbibigay ng kakaibang kuwento ng pag-ibig sa gitna ng digmaan. Isa itong romantic film na hindi ginawa upang magbigay ng kilig kundi ay magbahagi ng isang nakaka-antig na drama na susubok sa tiwala sa pagitan ng dalawang nagmamahalan.
Nagpamalas ng galing sa pag-arte si Cotillard sa simula ngunit hindi na ito na-highlight pa sa ibang parte ng pelikula. Kabaliktaran naman nito si Pitt na mediocre lang sa panimula ngunit sa paglalim ng kaniyang karakter ay siya ring paglabas ng galing nito sa larangan ng pag-arte.
Ito ay madamdaming pelikula na aantig at wawasak sa iyong puso matapos subaybayan ang isang kuwento ng pagmamahalang sinira ng digmaang pandaigdig. Ito ang palabas na magpapatunay na pag-ibig parin ang mas matimbang at mangingibabaw sa kabila ng mundong mapanlinlang at puno ng pagdududa.
No comments:
Post a Comment