Search a Movie

Saturday, October 6, 2018

Die Beautiful (2016)

Poster courtesy of IMDb
© The IdeaFirst Company
8 stars of 10
★★★★★★★★ ☆☆

Starring: Paolo Ballesteros, Christian Bables
Genre: Comedy, Drama
Runtime: 2 hours

Director: Jun Lana
Writer: Rody Vera, Jun Lana (story)
Production: The IdeaFirst Company, Octobertrain Films
Country: Philippines


Suki ng mga gay beauty pageants ang transgender na si Trisha Echevarria (Paolo Ballesteros). Simula high school hanggang nang tumanda ay ang pagiging kontesera na ang naging hanap buhay nito. Ngunit sa kabila ng taglay nitong ganda at alindog ay lagi siyang umuuwing talunan, ito'y dahil hirap siya sa pagsagot sa mga katanungang ibinabato sa kaniya pagdating sa question and answer portion.

Sa huling beauty pageant na kaniyang sinalihan, matapos mapunta sa kaniya ang tanong na buong buhay niya'y ang tanging tanong na kaniyang memoryado ang sagot ay sa wakas kay Trisha napunta ang korona. Ngunit ilang minuto lang matapos itong makoronahan ay bigla siyang binawian ng buhay dahil sa aneurysm. Ngayon ay kinakailangang sundin ng kaibigan nitong si Barbs (Christian Bables) ang mga bilin ni Trisha para sa kaniyang lamay, ang bihisan siya ng iba't-ibang hitsura araw-araw mula kay Angelina Jolie hanggang kay Beyonce. 

Hindi lang isang simpleng komedya ang Die Beautiful. Ipinaramdam ng pelikula sa mga manonood kung papaano ang buhay ng isang simpleng Pinoy transgender. Hindi lahat ay nabiyayaan ng supportive na pamilya at isa na dito si Trisha na kinatawan ang mga bading na mayroong magulang na hirap intindihin ang kanilang pinagdadaanan. Very true to life ang naging protrayal ni Ballesteros sa kaniyang karakter. Saktong landi, matapang, palaban, makulit, bobo sa pag-ibig at kahit hindi maganda ang naging relasyon nito sa kaniyang tunay na pamilya ay naipakita parin nito ang pagmamahal ng isang bakla sa kapwa tao sa pamamagitan ng kaniyang ampon.

Ang pinaka-nagustuhan ko sa pelikula ay ang paraan ng pagku-kuwento nila sa buhay ni Trisha. Hindi nagkasunod-sunod ang mga ipinakitang pangyayari, para itong puzzle pieces na unti-unting binuo hanggang sa makita na ng lahat ang buong litrato sa katapusan ng pelikula. Bagamat patalon-talon ang naging timeline nito ay hindi ka malilito sa naging istorya ng Die Beautiful dahil nabantayan ito mula sa maliliit na detalye hanggang sa malalaki nitong kaganapan. Nagustuhan ko rin ang unti-unting pagbabago ng tono ng pelikula. Sa simula nila inilatag ang lahat ng masasaya, makukulit at nakakatuwang pangyayari sa buhay ni Trisha, dito natin siya sisimulang magustuhan. Sinundan ng mga rebelasyon sa gitna at sa huli na natin madadama ang lungkot na dulot ng kaniyang istorya. Dahil dito ay nagawa parin nilang isang malaking misteryo ang kuwento ng Die Beautiful kahit na sa simula pa lang ay alam na natin kung ano ang nangyari sa bida.

Si Ballesteros ang tunay na nagstand-out dito. Bukod sa pagiging magandang transgender ay hindi ka niya didismayahin sa mga matitinding emosyon na hinihingi ng kaniyang karakter. Tatawa ka kasama niya at dadamayan mo siya sa kaniyang kalungkutan. Madarama mo ang mga pinagdaanan niya na para bang isa kang kaibigang saksi na kaniyang pakikibaka sa lipunan. Gusto ko ring purihin si Bables sa kaniyang naging performance. Bilang isang baguhan ay nagawa niyang bigyan ng kulay ang karakter niyang si Barbs. Hindi siya nagpahuli sa bida pero hindi nagpabida upang ma-overshadow ang tunay na bida ng pelikula. Nagampanan niya ng maayos ang kaniyang role bilang isang support. Hindi makukumpleto si Trisha kung walang Barbs sa kaniyang tabi.

Overall ay napakagandang pelikula ng Die Beautiful. Ibibigay nito ang lahat ng emosyon na maaaring madama ng isang manonood. Mamahalin mo ang bawat karakter at magkakaroon ka ng ideya sa kung ano ang buhay na kinakaharap ng mga bading. May pagka-SPG nga lang ito na hindi maaaring panooring nga mga bata at awkward panooring kasama ang mga kapamilya. Sulit itong panooring mag-isa o kasama ang mga kaibigan at kabarkada. Mas mamahalin mo ang naging kuwento nito kung isasantabi mo ang iyong diskriminasyon at sariling opinyon at magkaroon ng bukas na pag-iisip.


1 comment: