Search a Movie

Friday, October 5, 2018

Neighbors 2: Sorority Rising (2016)

Poster courtesy of IMP Awards
© Universal Pictures
5 stars of 10
★★★★★ ☆☆☆☆☆

Starring: Seth Rogen, Zac Efron, Rose Byrne, Chloë Grace Moretz
Genre: Comedy
Runtime: 1 hour, 32 minutes

Director: Nicholas Stoller
Writer: Andrew Jay Cohen, Brendan O'Brien, Nicholas Stoller, Evan Goldberg, Seth Rogen
Production: Universal Pictures, Perfect World Pictures, Point Grey Pictures, Good Universe
Country: USA


Dalawang taon matapos ang naging problema ng mag-asawang sina Mac (Seth Rogen) at Kelly Radner (Rose Byrne) sa isang fraternity ay napag-isipan nilang ibenta na ang kanilang bahay lalo na't may bago na silang sanggol. Ngunit nahirapan ang dalawa na makahanap ng interesadong buyer ng kanilang bahay at lupa dahil sa biglaang pagsulpot ng kapitbahay nilang isang sorority na tinawag na Kappa Nu.

Gabi-gabing nagkakaroon ng party ang mga dalaga sa kabilang bahay na pinapangunahan ni Shelby (Chloë Grace Moretz) dahilan upang mawalan ng interes ang mga buyer sa naturang lugar. Hindi natinag si Shelby sa mga paki-usap at babala ng mag-asawang Radner at tuloy parin ang pagsasaya sa dumaraming miyembro ng kanilang grupo. Dito na nagsimula ang isang malaking giyera sa pagitan ng dalawang panig. Hinimok nila Mac at Kelly ang tulong ng dati nilang nakaaway at ngayo'y kaibigan nang si Teddy (Zac Efron) upang mapalayas ang sorority ni Shelby ngunit hindi naman nagpatalo si Shelby sa sinimulang laban ng mga Radner.

Kung ang Ghostbusters ay may all-female adaptation, ang Neighbors ay mayroon din... este sequel pala. Ang Neighbors 2: Sorority Rising ay katulad din ng nauna nitong pelikula. Pinalitan lang ng sorority ang mga fraternity na bumida sa unang installment nito. Kaya ang ibig sabihin nito, kung nainis ka sa part one ay tiyak na maiinis kang muli dito sa part two nito. Tila literal na reenactment ang nangyari na binihisan lang ang ilang detalye upang maiba ang timpla.

Nakakahiya ang buong cast. Sobrang mas nakakahiya rin ang storyline nito. Ang nakakainis pa rito ay napakadami nilang nagsulat ng pelikula ngunit ni isa ay hindi nakagawa ng maayos na istorya. Hindi ako mahilig sa tipo ng humor na dala ng pelikula kung saan ginawang katatawanan ang mga isyu ng sexism, racism at iba pa. Nakakamatay ng brain cells ang panonood nito. Sa katunayan ay mas marami pang beses ang pagkunot noo mo at pagtaas ng kilay kaysa sa pagtawa at pagngiti na siya sanang dulot ng pelikula.

Hindi nakatulong ang pagiging bobo ng mga bida rito, ganoon din ang napaka-cheesy nitong ending. Hindi ako cynical na tao. Madali lang akong maka-appreciate ng mga comedy films na may matinong komedya, sapul na punchlines at matatalinong biro pero kung ang Neighbors 2 ang pag-uusapan ay malayung-malayo ito mula sa matalinong pelikula. Hindi ko nga alam kung papaanong nagkaroon pa ito ng sequel dahil basura din ang naunang palabas nito. Ang mga bigating pangalan sa industriya na kalahok sa cast lang ang nagbuhat dito at wala nang iba ngunit maging sila ay walang nagawa upang maisalba ang kanilang pelikula.


No comments:

Post a Comment