Poster courtesy of IMP Awards © Paramount Pictures |
★★★★★★ ☆☆☆☆
Starring: Gugu Mbatha-Raw, David Oyelowo, Daniel Brühl, Elizabeth Debicki
Genre: Mystery, Sci-Fi, Thriller
Runtime: 1 hour, 42 minutes
Director: Julius Onah
Writer: Oren Uziel, Doug Jung (story)
Production: Bad Robot, Paramount Pictures
Country: USA
Taong 2028 nang makaranas ang Earth ng global energy crisis. Upang masolusyunan ang problema sa enerhiya ay sinubukan ng space agencies na isagawa ang Shepard particle accelerator sa Cloverfield Station na kasalukuyang umiikot sa mundo. Ang naturang space station ay pinapangunahan ni Ava Hamilton (Gugu Mbatha-Raw) isang British engineer na kasalukuyan paring nagluluksa sa pagkamatay ng kaniyang mga anak sa isang sunog.
Sa pagtatangka ng grupo nila Ava na gumawa ng unlimited ne enerhiya ay aksidente nilang mabubuksan ang portal mula sa isang parallel universe. Isang mundo na katulad din ng Earth. Isang mundo na mayroon ding Ava Hamilton, ang kaibahan nga lang ay buhay pa ang mga anak nito sa naturang universe. Kasabay ng pagbukas ng portal ay ang pagkabuo ng Cloverfield Paradox na siyang magbibigay buhay sa mga nilalang na maaaring gumambala sa tahimik na planeta ng Earth.
Maraming sorpresa na inihanda ang The Cloverfield Paradox para makuha ang interes ng mga manonood. Nawala ang Earth, biglang nagkaroon ng estranghero sa space craft ng mga bida, at ipinakilala ang pagkakaroon ng ikalawang dimensyon. Ang mga nabanggit ay sapat na upang makuha ang atensyon ng isang manonood. Medyo may kahirapan nga lang sundan ang konsepto ng two dimensions ngunit dala parin naman ng palabas ang inaasahang space thrill at mystery kung ito ang hanap mo.
Ang problema nga lang, ang misteryong kanilang ibinalot sa kuwento ng pelikula ay iniwan nilang nakatiwangwang at hindi binigyan ng anumang kasagutan. Walang naging explanation ang mga naging pangyayari maliban sa isa lang itong simpleng "cloverfield paradox."
Maganda ito bilang isang stand-alone film kahit na kasama ang naturang pelikula sa isang trilogy. Ang The Cloverfield Paradox ang naging kasagutan sa mga katanungang naiwan ng naunang dalawang pelikula. Hindi ito nag-depende sa mga naunang palabas bagkus ay nagkaroon ito ng sariling pagkakakilanlan. Ang naging issue lang dito ay madaling makalimutan ang mga karakter nito. Maliban sa bida na mayroong sariling kuwento, ang ilan ay naging one-dimensional at naging parte na lang nito.
Maganda ito bilang isang space film. May sariling konsepto kahit na hindi konkreto. Kakaiba kahit na hindi ito nabigyan ng maayos na hustisya. Maayos na bilang isang pelikulang pagkaka-abalahan kapag walang ginagawa ngunit hindi ganoon kaganda upang ibigay ang aking rekomendasyon.
No comments:
Post a Comment