Search a Movie

Thursday, October 18, 2018

The First Purge (2018)

Poster courtesy of IMP Awards
© Blumhouse Productions
6 stars of 10
★★★★★★ ☆☆☆☆

Starring: Y'lan Noel, Lex Scott Davis, Joivan Wade
Genre: Action, Thriller
Runtime: 1 hour, 38 minutes

Director: Gerard McMurray
Writer: James DeMonaco
Production: Blumhouse Productions, Perfect World Pictures, Platinum Dunes
Country: USA


Kalagitnaan ng 21st century nang palitan ng New Founding Fathers of America ang gobyerno ng kanilang bansa. Sa kanilang pamumuno ay naisipan nilang gumawa ng isang eksperimento kung saan papayagan nila ang anumang klase ng krimen sa loob ng labindalawang oras. Maaari kang pumatay, magnakaw at gumawa ng anumang kasalanan ng hindi lalabag sa batas mailabas lamang ang iyong naitatagong pagkasuklam.

Ang naturang eksperimento ay gaganapin sa Staten Island kung saan inaanyayahn ang mga nakatira dito na sumali sa purge. Ang mga mananatili sa lugar ay mabibigyan ng limang libong dolyar at madadagdagan pa ito kapag sumali sila sa mismong programa.

Isa ang drug lord na si Dmitri (Y'lan Noel) sa mga nanatili sa lugar sa gabi ng purge hindi dahil sa gusto niyang sumali dito kung hindi dahil ayaw nitong iwan ang mga iligal niyang ari-arian. Samantalang ang dating nobya nitong si Nya (Lex Scott Davis) na simula't sapul ay naging bokal na sa pagtutol sa plano ng NFFA, ay hindi rin umalis upang samahan ang mga kaibigang nagpaiwan din para sa pera. Sa kabila ng hindi magandang nakaraan sa pagitan nila Dmitri at Nya ay magtutulungan silang dalawa para sa kaligtasan ng kanilang buhay. 

Ito ang kauna-unahang purge, ang prequel sa mga naunang tatlong pelikula nito. Kaya naman hindi ko inaasahan na magkakaroon na agad ito ng mga weird costumes at kung anu-ano pang anik-anik dahil nasa experimentation stage pa lamang ito. Masyadong ginawang exaggerated ang hitsura ng mga taong lumahok sa purge upang makapagbigay ng thrill at creepiness sa mga manonood pero kung iisipin ay wala itong naging sense dahil kung titignan mo ito mula sa pananaw ng totoong buhay, maskara lang ay sapat na upang maitago ang kanilang pagkakakilanlan. Kaso masyadong naging OA ang palabas at tila ginawa pang Halloween party ang dapat ay isang seryosong kaganapan.

Hindi ako fan ng dalawang bida. Stereotypical Black American ang naging roles nila na masyado nang cliche sa big screen. Dinagdagan pa ng mga hip-hop music na hindi naman umakma sa tema ng pelikula. Wala ring anumang nakakamangha sa mga ipinakita nilang pag-arte. Mabuhay man o mamatay ang kanilang karakter ay wala kang mararamdamang emosyon dito. 

Ay pelikula ay nagkaroon naman ng maayos na aksyon pero hindi na nito dala pa ang thrill na dulot ng mga naunang pelikula ng franchise. Naging isang simpleng survival-action movie na lang ito at kahit gaanong kabongga ang mga weird costumes na ginawa para dito ay hindi na nito naibalik ang takot ng pagkakaroon ng purge.

Hindi kagandahang CGI, hindi kagandahang akting, mga kantang hindi bumagay sa pelikula at ilang maliliit na plot holes, ito ang naging isyu ko sa The First Purge. Pero gayunpaman ay nagkaroon naman ito ng matinong storyline na siyang nagbigay eksplanasyon sa kung papaano nabuo ang purge. Hindi ko lang nagustuhan ang ginawa sa ending nito na ang maaaring rason ay magkakaroon pa ito ng kasunod na okay lang naman sa akin basta ba't mapalitan na ang mga boring nitong bida.


No comments:

Post a Comment