Search a Movie

Saturday, February 6, 2016

45 Years (2015)

6 out of 10 stars 
★★★★★★☆☆☆☆

Starring: Charlotte Rampling, Tom Courtenay
Genre: Drama, Romance
Runtime: 95 minutes

Director: Andrew Haigh
Writer: Andrew Haigh, David Constantine (story)
Production: The Bureau
Country: United Kingdom

Nang walang naganap na pagdiriwang sa kanilang ika-apatnapung anibersaryo bilang mag-asawa ay naisipan nila Kate (Charlotte Rampling) at Geoff Mercer (Tom Courtenay) na gawin ang naunsyami nilang selebrasyon sa kanilang paparating na 45th anniversary. 

Isang linggo bago dumating ang anibersaryo ng kanilang kasal ay isang sulat ang natanggap ni Geoff na naglalaman ng balitang ang mga labi ng kaniyang dating kasintahan na si Katya ay natagpuan na, limampung taon matapos itong mahulog sa isang Alpine crevasse. Simula nang matanggap ni Geoff ang balita ay napansin ni Kate ang biglaang pagbabago ng kaniyang asawa. Tila nanumbalik ang dating apoy na nadama ni Geoff mula sa dating kasintahan. Dahil dito ay nagsimulang pagdudahan ni Kate ang pagmamahal na ibinigay sa kaniya ng kaniyang asawa at nagkaroon na ng lamat ang pananaw ni Kate sa apatnapu't-limang pagsasama nila ni Geoff.

Aaminin ko, sa kabila ng mga papuring natatanggap ng pelikulang ito ni Andrew Haigh ay inantok ako sa panonood nito. Maganda ang istorya, magaling ang dalawang bida lalo na si Rampling na tagos sa puso ang ipinamalas na pag-arte na sinabayan din naman ni Courtenay ng magandang pagganap bilang asawa ngunit ang naging problema ng palabas na ito para sa akin ay wala itong ipinakitang effort upang makuha ang loob ng manonood. Kung hindi mo bibigyan ng pansin ang palitan ng salita ng dalawang bida ay hindi mo makukuha ang direksyon na kuwento, o ang kuwento mismo.

Matutunghayan mo sa pelikula ang araw-araw nilang gawain bilang mag-asawa tulad ng paglalakad tuwing umaga, pagkukuwentuhan sa sala, pagtulog ng magkatabi at pagbabasa ng libro. Bihira ka lang makakakita ng eksena na magpapa-usad sa istorya dahil sa mga dialogue lang talaga ito nagpapatuloy.

Nakulangan ako kay Haigh sa pagpi-prisinta niya ng napakagandang istorya ng 45 Years sa kaniyang pelikula. Ito at ang napakagaling na pagganap ng mga bida ay hindi nagamit ng maayos kung kaya't lumabas na tila pumila ito sa linya ng mga pelikula sa "snoozefest". Hindi ito pang-masa, kinakailangan ng dedikasyon sa panonood nito dahil kung mas pinili mong mag-CR o maghanap ng pagkain sa kalagitnaan ng pelikula ay mapag-iiwanan ka sa agos ng kuwento.

No comments:

Post a Comment