5 out of 10 stars
★★★★★☆☆☆☆☆
Starring: Mel Gibson, Joanne Samuel, Hugh Keays-Byrne
Genre: Action, Adventure, Sci-Fi
Runtime: 88 minutes
Director: George Miller
Writer: James McCausland, George Miller
Production: Kennedy Miller Productions, Crossroads, Mad Max Films
Country: Australia
Isang matinong pulis si Max Rockatansky (Mel Gibson) na may masayang pamilya at maayos na trabaho, ito'y hanggang sa makadaupang-palad niya ang isang motorcycle gang na "The Acolytes" na unti-unting sisira sa kaniyang disenteng pamumuhay. Nang ma-agrabiyado ay siya naman ngayon ang maghihiganti isa-isa laban sa mga taong sumira ng kaniyang buhay.
Mahirap i-buod ang Mad Max na hindi makapagbibigay ng spoilers lalo na't tungkol sa simpleng paghihiganti lang iikot ang buong kuwento ng pelikula. Ang nasa itaas na siguro ang pinaka maayos na buod na maaari kong ibahagi na hindi nabubunyag ang kabuuan ng pelikula.
Sa totoo lang, ang 88 na minutong itinagal ng pelikula ay nakakainip na para sa akin. Ang conflict na ginawa sa simula ay masyadong pinahaba hanggang sa umabot na sa linya ng pagiging boring. Isang oras na ang lumipas at kung kailan patapos na ang pelikula ay saka ka lang makakakita ng matinding aksyon mula sa bida at nagmukha pang minadali dahil sa bilis ng mga pangyayari. Hindi gaanong kaganda ang pagkakagawa ng istorya, masyado itong mahina upang kunin ang interes ng isang manonood.
Ang hindi ko maintindihan ay kung ano ang nagustuhan ng karamihan sa unang parte ng classic series na ito. Bukod sa mahinang istorya ay hindi rin kagandahan ang scoring ng pelikula, may mga sound effects na hindi tumutugma sa mga eksena at lumalabas tuloy na tila comedy ang iyong pinapanood. May isang scoring lang na bumagay sa eksena at ito'y noong hinahabol ng gang members si Jessie (Joanne Samuel) sa kakahuyan.
Katamtaman lang din ang galing ng pag-arte ni Mel Gibson sa palabas, halatang hindi pa siya ganoon kahasa sa pag-arte. Kuhang-kuha niya ang pagiging astig ng kaniyang karakter ngunit pagdating sa pagbibigay ng ibang emosyon ay hindi niya ito kayang ipakita sa harap ng kamera.
Siguro'y nasa kaniya-kaniyang taste lang ito ng bawat manonood. May mga palabas na nagustuhan mo pero hindi sa iba at vice versa. Basta ang sa akin, ang sikat at itinuturing na cult classic na ito ay hindi pumasa sa aking panlasa gayunman ay interesado parin akong panooring ang mga palabas na kasunod nito lalo na ang ikaapat nitong installment na nagkaroon pa ng nominasyon sa Oscars.
No comments:
Post a Comment