Search a Movie

Friday, February 5, 2016

Cannibal Holocaust (1980)

8 out of 10 stars
★★★★★★★★☆☆

Starring: Robert Kerman, Francesca Ciardi, Perry Pirkanen
Genre: Adventure, Horror
Production: 95 minutes

Director: Ruggero Deodato
Writer: Gianfranco Clerici
Production: F.D. Cinematografica
Country: Italy

Isa na siguro ang Cannibal Holocaust sa pinaka-kontrobersyal na pelikula sa buong mundo. Ilang bansa ang tumanggi sa pagpapalabas nito ngunit aminin man natin o hindi ay malaki ang naiambag ng palabas na ito sa industriya ng pelikula. Ito ang nagpasimuno sa found-footage na paraan ng paggawa ng pelikula at dahilan sa pag-usbong ng mga palabas na may cannibalism na genre.

Ang kuwento ay tungkol sa apat na film crew na nawala matapos magpunta sa Amazon upang gumawa ng dokyumentaryo ukol sa mga cannibal tribes. Magsisimula ang palabas sa isang rescue mission na pangungunahan ng New York University anthropologist na si Professor Harold Monroe (Robert Kerman). Ang pakikipagsapalaran na ito ni Professor Monroe sa kagubatan ng Amazon ang siyang magbibigay liwanag sa kung papaano ang pamumuhay ng mga tribong malayo sa kabihasnan. 

Sa rescue mission na ito ay matatagpuan ni Professor Monroe ang mga footage na nakuha ng apat na film crew bago sila mawala. Dito niya makikita ang mga karahasang ginawa ng apat na crew sa mga tribo at ang magbubunyag sa kung ano ang naging kapalaran nila sa kagubatan.
Tama ang sinabi nila, punong-puno ng kabrutalan ang pelikulang ito. Mula sa pagpatay sa mga hayop, sa mga hubo't hubad na hindi lang ekstra kundi pati ang mga bida, sa mga karahasan tulad ng panggagahasa, pagsunog, pagpapahirap at pagkain sa mga buhay na tao, mahirap lunukin ang bawat eksena na mapapanood mo sa pelikula. 

Sa panonood nito ay kinakailangan mo ng hindi lang tibay ng loob kundi pati tibay ng sikmura. Hindi na ako magtataka kung bakit maraming naniwala na ang mga pangyayari sa pelikula ay nagmistulang snuff film dahil tunay na tunay sa lente ng mga kamera ang practical effects na ginawa ni Deodato. Mula sa mga paghiwa at pagtaga sa mga karakter lalo na sa pagtuhog sa isang taga-tribo na parang baboy ay mapapaniwala ka na ang pinapanood mo ay tila totoong nangyari.

Ngunit hindi lang ang practical effects ang maipagmamalaki ng pelikula dahil maganda rin ang kuwento nito na mag-iiwan ng isang mabigat na mensahe sa mga manonood. Kung isasawalang-bahala mo ang mga nakakasuklam na pangyayari sa palabas at tignan ang kabuuan ng pelikula ay makikita mo kung ano ang nais iparating ni Deodato sa kaniyang proyekto.

Kung ika'y matibay at kayang saksihan ang mga eksenang tulad ng animal cruelty at frontal nudity, isunod mo ang Cannibal Holocaust sa iyong listahan. Kinakailangan mo lang na lawakan ang iyong isipan upang hindi mo ma-miss ang isang obra maestrang mula sa Italya.

No comments:

Post a Comment