Search a Movie

Tuesday, February 2, 2016

The Lady Vanishes (1938)

6 out of 10 stars
★★★★★★☆☆☆☆

Starring: Margaret Lockwood, Michael Redgrave, Paul Lukas
Dame May Whitty
Genre: Comedy, Mystery, Thriller
Runtime: 96 minutes

Director: Alfred Hitchcock
Writer: Sidney Gilliat, Frank Launder, Ethel Lina White (story),
Alma Reville (story)
Production: Gainsborough Pictures
Country: United Kingdom

Dahil sa isang avalanche ay stranded ngayon si Iris Henderson (Margaret Lockwood), isang turista sa Bandrika, sa isang inn. Kasama ang ilan pang pasahero ay napilitan silang magpalipas ng gabi sa nasabing inn. Dito makikilala ni Iris ang isang dating music teacher na si Miss Froy (Dame May Whitty) at ang musikerong si Gilbert Redman (Michael Redgrave).

Kinaumagahan, bago sumakay sa tren ay aksidenteng tinamaan ng paso sa ulo si Iris. Nasaksihan ito ni Miss Froy kaya tinulungan niya ang dalaga sa pagsakay ng tren at sinamahan ito sa compartment kung saan ito nakaupo kasama ang ibang pasahero. Sa paggising ni Iris mula sa pagkakatulog ay napansin nitong nawawala ang kasama niyang matanda. Nagtanung-tanong siya sa mga katabi niyang pasahero ngunit ayon dito ay wala silang nakikitang matanda na kasama niya. Dito na nagsimulang mataranta si Iris dahil sigurado siyang kasama niya si Miss Froy sa pagsakay ng tren. Sa tulong ni Gilbert ay magkasama nilang sinagot ang misteryo sa likod ng biglaang pagkawala ni Miss Froy.

Exaggerated ang pag-arte ng bawat artista sa pelikula, siguro'y ganito talaga ang paraan ng pag-arte nila sa panahon kung kailan ito ipinalabas kaya katanggap-tanggap na ito kahit papaano. Maganda ang pagpapakilala ni Alfred Hitchcock sa kaniyang mga karakter sa mga manonood, madali lang silang tandaan dahil mahaba-haba ang screen time ng bawat isa bago pa man nag-pokus ang pelikula sa mga bida.

Malaking misteryo ang kuwento ng The Lady Vanishes kaya naman mapapakapit ka sa palabas hanggang sa huli at bukod sa pagiging misteryoso ay hinaluan din ito ng pagpapatawa kaya sulit ang panonood nito dahil kawili-wili ang bawat eksena. Ang problema ko lang dito ay biglang ibinunyag ang twist, wala man lang pasabog kaya hindi ka apektado nang sagutin na kung paano, bakit nawala si Miss Froy. Ganoon din sa ending, biglaan at hindi man lang ineksplika kung para saan ang mga nangyari. Mabuti na lang at sa mga kakulangang ito ay sa kalugud-lugod na mga karakter sila bumawi sa pagkakaroon nila ng sari-sariling kuwento at iba't-ibang ugali at siyempre pati na rin sa napakagandang chemistry nila Lockwood at Redgrave.

No comments:

Post a Comment