7 out of 10 stars
★★★★★★★☆☆☆
Starring: Tom Hanks, Mark Rylance, Alan Alda
Genre: Biography, Drama, Thriller
Runtime: 142 minutes
Director: Steven Spielberg
Writer: Matt Charman, Joel Coen, Ethan Coen
Production: Amblin Entertainment, Dreamworks SKG, Fox 2000 Pictures,
Marc Platt Productions, Participant Media, Reliance Entertainment, TSG Entertainment
Country: USA
Country: USA
Taong 1957 nang arestuhin si Rudolf Abel (Mark Rylance) sa Brooklyn, New York City matapos siyang mapatunayan na isang espiya mula sa Soviet Union. Upang magkaroon ng makatarungang paglilitis hiningi ng gobyerno ng US ang tulong ng abogadong si James B. Donovan (Tom Hanks) upang ipagtanggol ang nasasakdal.
Hindi inaasahan ng lahat na seseryosohin ni Donovan ang kaniyang trabaho sa pag-dedepensa kay Abel sa kabila ng pagiging magkalaban nilang dalawa, dahil dito ay nagkaroon ng death threats ang abogado at maging ang pamilya, katrabaho at kababayan ni Donovan ay nagalit sa kaniya dahil sa pagtulong niya sa espiya. Gayunpaman ay malakas ang ebidensya laban kay Abel at napatunayan itong guilty sa korte at sa huli ay hinatulan siya ng kamatayan.
Hinikayat ni Donovan ang hukom na imbes na kamatayan ay gawing tatlumpung taong pagkakakulong na lang ang parusa kay Abel dahil maaari nila itong gamiting kasunduan sa pakikipagpalitan sa kalaban kung sakaling isang Amerikano naman ang mahuli sa Soviet Union. Tila nagdilang anghel ay isang piloto ng U-2 spy plane ng Amerika ang pinabagsak at hinuli sa Soviet Union. Kasabay nito ay isang economics graduate student din ang hinuli sa East Berlin matapos itong mapagkamalang espiya. Ngayon ay nasa kamay na ni Donovan ang buhay nila Abel, ang pilotong si Francis Gary Powers (Austin Stowell) at estudyanteng si Frederic Pryor (Will Rogers) at kung makakabalik pa ba sila sa sari-sarili nilang bansa.
Dahil isa itong historical drama ay asahan mong madami-daming karakters ang magsusulputan sa pelikula at kung tulad mo akong hindi pamilyar sa kasaysayang ito ay mahihirapan kang sundan ang pelikula sa simula. Maayos naman ang pagkakalapat ng kuwento. Nandoon yung drama at yung thrill ng pelikula, mararamdaman mo ito sa buong palabas lalo na pagdating sa climax.
Magaling si Tom Hanks pero hindi ko siya nakitaan ng sapat na galing upang magkaroon ng nominasyon sa Oscars, sakto lang ang kaniyang pag-arte tulad din ng pag-arte niya sa mga nakaraan niyang pelikula, walang ipinagbago. Ang karapat-dapat magkaroon ng nominasyon ay si Mark Rylance na siya namang nabigyan ng nominasyon bilang Supporting Actor sa Oscars, itinuring na kalaban ang karakter niyang si Abel sa pelikula pero makukuha parin niya ang iyong simpatya.
Pagdating sa cinematography ay mahusay naman ang pagkakagawa ni Steven Spielberg, maganda yung ginawa niyang ilang transition ng eksena papunta sa susunod na eksena. Nakapagbigay siya ng memorable at satisfying na ending, madrama pero may halong thrill parin hanggang sa dulo at sa huli ay makapagbibigay ng gaan ng loob sa nanonood.
No comments:
Post a Comment