Search a Movie

Thursday, February 11, 2016

The Little Prince (2015)

7 out of 10 stars
★★★★★★★☆☆☆

Starring: Mackenzie Foy, Jeff Bridges, Riley Osborne, Rachel McAdams
Genre: Animation, Fantasy
Runtime: 108 minutes

Director: Mark Osborne
Writer: Irena Brignull, Bob Persichetti, Mark Osborne (story), 
Antoine de Saint-Exupéry (novel)
Production: Onyx Films, Mikros Image, Orange Studio, 
Kaibou Productions, LPPTV, M6 Films, On Entertainment, 
Paramount Animation, TouTenKartoon 
Country: France, Canada

Isang ina (Rachel McAdams) ang nais maipasok ang kaniyang anak (Mackenzie Foy) sa isang prestihiyosong paaralan ngunit sa hindi inaasahang pagbabago, ang pinaghandaan ng dalawa para sa isang entrance exam ay nauwi sa kapalpakan. Kaya ngayon, sa "plan B" ang kinahantungan ng mag-ina - ang paglipat ng tirahan upang makapasok sa panibagong paaralan. 

Upang hindi na maulit ang naunang nangyari sa kanila ay iba't-ibang schedule ng pag-aaral ang inihanda ng ina para sa kaniyang anak ilang lingo bago magsimula ang pasukan. Ngunit ang pag-aaral na ito ay naunsyami nang makilala ng anak ang kapitbahay nilang isang retiradong aviator. Isang istorya ang ibinahagi ng aviator sa anak, ang kuwento ng isang batang lalaki (Riley Osborne) na nakatira sa isang 'di kalayuang asteroid, na siyang agad kinahumalingan ng anak. Nagsimulang magka-interes ang anak sa kuwento ng batang lalaki hanggang sa unti-unti na niyang tinalikuran ang mga nakatakda niyang gawain na ibinigay sa kaniya ng kaniyang ina.

Hindi nagtagal ay nalaman ng ina ang ginagawang ito ng kaniyang anak at pinagbawalan ang bata na lumabas lalo na nang napag-alamang ang weirdong kapitbahay nila ang kinaibigan nito. Mas lumala ang sitwasyon nang malaman ng anak ang nalalapit na pag-alis ng aviator kasabay nito ay ang pagkadismaya niya mula sa hindi inaasahang katapusan sa minahal niyang kuwento ng batang lalaki.

Ito'y isang pelikula na tiyak magugustuhan ng mga bata dahil sa makulay nitong animation at magugustuhan naman ng matatanda dahil sa napakagandang istorya. Napakalalim ng kuwento ng The Little Prince na kinailangan ko pa itong panoorin ulit para lang maintindihan ng buo ang nais na iparating ng palabas. Ito'y tumatalakay sa pagbabago ng tao mula sa kanilang pagkabata hanggang sa sila'y tumanda. Kung papaanong ang isang tao, sa kaniyang pagtanda'y tila nakakulong na lang sa iisang planeta kung saan paulit-ulit na lang ang ginagawa nito, ang saya at sigla ng pagkabata ay unti-unting nawawala hanggang sa tuluyan na itong makalimutan.

Ang nagustuhan ko sa pelikula ang pagbibigay nito ng dalawang klase ng animation, ang computer at ang stop-motion animation na siyang palatandaan kung alin ang realidad at imahinasyon sa kuwento. Maganda rin ang mga musikang ginamit, sa tulong nito ay lumabas ang pagiging magical ng palabas.

Medyo nakakalito lang pagdating sa climax dahil nang tumigil na si Mark Osborne sa paggamit ng stop-motion animation ay mahihirapan ka nang alamin kung ang kasalukuyang eksena ba ay nangyayari sa realidad o imahinasyon na lamang ng bida ngunit sa tingin ko ay iyon ang dahilan ni Osborne kung kaya niya ito itinigil, upang paganahin ang utak ng mga manonood. 

Maayos ang animation, nakakatuwa ang mga karakter, may kaunting kalituhan lang pagdating sa bandang huli na maaaring sagutin ng maikling pagbabasa sa internet o pagbabasa mismo sa libro kung saan ito base ngunit para sa pelikula, tiyak na makapagbibigay ito ng kasiyahan at realisasyon sa mga taong manonood.

No comments:

Post a Comment