Search a Movie

Tuesday, February 9, 2016

Burnt (2015)

5 out of 10 stars
★★★★★☆☆☆☆☆

Starring: Bradley Cooper, Sienna Miller, Daniel Brühl
Genre: Comedy, Drama
Runtime: 101 minutes

Director: John Wells
Writer: Steven Knight, Michael Kalesniko (story)
Production: 3 Arts Entertainment, Double Feature Films
Country: USA

Sa pagnanais na maibalik ang dating sigla ng kaniyang karera bilang chef, mula sa matinding pagkalulong sa droga at pagkakaroon ng iba't-ibang bisyo ay nagsimula ulit ng bagong buhay si Adam Jones (Bradley Cooper) sa London kung saan naging layunin nito ang makakuha ng panibagong Michelin star.

Sa tulong ng kaibigan niyang si Tony (Daniel Brühl) na isa na ngayong maître d'hôtel sa restaurant ng hotel na pagmamay-ari ng kaniyang ama ay pinamahalaan ni Adam ang kusina ng hotel kasama ang mga kaibigan, dating katrabaho at mga kusinerong may potensyal na isa-isa niyang hinanap upang samahan siya sa pamamalakad at pagkamit sa kaniyang pangatlong Michelin star. Ngunit ang lahat ng ito ay hindi ganoon kadali lalo na't sa kabila ng paglaban ni Adam sa mga bisyong dating sumira sa kaniyang buhay ay isang suliranin pa ang hindi niya nahaharap... ang kaniyang sarili.

Nagbigay si John Wells ng napakagandang simula. Mula sa pagtitipon ng mga karakter na may iba't-ibang personalidad at pagkakaroon ng kaniya-kaniyang backstory ay umasa ako ng isang kaibig-ibig na istorya ngunit hanggang sa natapos ang pelikula ay hindi ko nakuha ang aking inaasahan. Masyadong nag-focus ang palabas sa dalawang bida na hindi ko naman nakitaan ng magandang chemistry. Ang mga karakter na ipinakilala sa simula ay nagmistulang ekstra at hindi man lang sila nagamit upang bigyang kulay ang kuwento ng pelikula.

Hindi mo magawang ma-enjoy ang tagumpay ng bida dito dahil hindi ipinakita sa pelikula ang mga pinagdaanan nitong hirap o ang mga nagawa nitong pagkakamali na sanhi ng kaniyang pagnanais na makapag-bagong buhay. Hindi man lang ipinakita sa manonood ang backstory ni Adam, kahit nagbigay lang ng flashback sa kung anong nangyari sa Paris na ikina-sira ng buhay ng bida. Maging ang mentor niya na malaki ang naitulong sa kaniya ay hindi man lang binigyan ng mukha.

Maraming aspeto ang ipinagkait ng pelikula sa mga manonood. Sa huli ay makakaramdam ka na parang pinaasa ka dahil sa simula pa lang ay umasam ka na ng magandang palabas at sa huli, hindi mo nakuha ang gusto mong makita dahil ibang direksyon ang tinungo ng pelikula.

No comments:

Post a Comment