Search a Movie

Thursday, February 25, 2016

Sicario (2015)

Poster courtesy of IMP Awards
© Lionsgate
5 stars of 10
★★★★★ ☆☆☆☆☆

Starring: Emily Blunt, Benicio del Toro, Josh Brolin
Genre: Action, Crime, Drama
Runtime: 2 hours, 1 minute

Director: Denis Villeneuve
Writer: Taylor Sheridan
Production: Black Label Media, Lionsgate, Thunder Road Pictures
Country: USA


Sa isang FBI SWAT raid na pinangunahan ni agent Kate Macer (Emily Blunt) sa Chandler, Arizona ay dalawang miyembro ng kaniyang grupo ang namatay matapos sumabog ang isang improvised na bomba. Dahil sa hindi inaasahang pangyayaring ito ay nais ngayong panagutin ni Macer ang taong nasa likod nito kaya nang alukin siyang sumali sa task force kasama ang CIA Special Activities Division undercover officer na si Matt Graver (Josh Brolin) ay hindi na siya nagdalawang-isip pang tumulong.

Ngunit unti-unti niyang pinagsisihan ang desisyon niyang ito nang malamang may anomalya palang nagaganap sa misyon na ito. Ang pagdududa ni Macer ay nagsimula nang makilala niya ang kasamahan ni Graver na si Alejandro Gillick (Benicio del Toro) na sa simula pa lang ay ayaw nang ibahagi ang tunay na dahilan ng kanilang ginagawang pagtugis maliban sa paghahanap sa mga taong namumuno sa lumalalang drug cartel sa border ng U.S. at Mexico. Hanggang sa huli na ang lahat bago pa man malaman ni Macer ang katotohanan sa likod ng misyon at hindi na niya ito nagawa pang pigilan.

Una sa lahat, nahirapan akong sundan ang direksyon ng kuwento nito. Nangangalahati ka na sa pelikula ngunit katulad ng bida ay hindi mo pa hawak ang mga kaganapan, wala ka pang ideya kung ano na ang mga nangyayari. Hindi ko alam kung masyado lang talagang malalim ang pelikulang ito upang hindi ko maintindihan ng lubusan ang mga kaganapan sa kuwento pero iyon ang naramdaman ko habang nanonood. 

Maganda ang camera angles, magaling ang mga aktor, magaling si Emily Blunt ngunit nasayangan ako sa role niya sa palabas. Nagmukha siyang supporting character, ni wala siyang nagawa para sa pelikula. Naging kasangkapan lang siya sa pag-usad ng kuwento, upang mailabas ang tunay na ikot ng istorya. Marahil iyon talaga ang role niya dito, at kung yun man ay nagampanan naman niya ito ng maayos, iyon lang ay hindi ko gusto ang tinakbo ng kaniyang karakter.

Maaari itong magustuhan ng mga taong mahilig sa giyera o sa mga aksyon na may kaugnayan sa CIA, FBI, kriminal at droga. Kung maayos lang sana ang pagkakalapat ng mga eksena, malamang ay natipuhan ko din ito ngunit naging ordinaryo lang ang pagtingin ko sa ilang eksena, walang buhay at nakakawalang-interes.


No comments:

Post a Comment