Poster courtesy of IMP Awards © Universal Pictures |
★★★★★★★ ☆☆☆
Starring: James McAvoy, Bruce Willis, Samuel L. Jackson
Genre: Drama, Sci-Fi, Thriller
Runtime: 2 hours, 9 minutes
Director: M. Night Shyamalan
Writer: M. Night Shyamalan
Production: Universal Pictures, Blinding Edge Pictures, Blumhouse Productions
Country: USA
"The Overseer" ang tawag ngayon kay James Dunn (Bruce Willis), isang vigilante na mayroong kakaibang lakas at kapangyarihang malaman ang hinaharap ng taong kaniyang nahahawakan. Misyon niya at ng kaniyang anak na hanapin ang kriminal na si Kevin Wendell Crumb (James McAvoy) na tanyag naman sa pangalang "The Horde" at may 24 na iba't-ibang personalidad.
Kasabay ng unang paghaharap nila Dunn at Crumb ay mahuhuli naman sila ng psychiatrist na si Dr. Ellie Staple (Sarah Paulson) na ang layunin ay gamutin ang dalawa mula sa ilusyong sila ay nagtataglay ng superhuman abilities. Sa pasilidad kung saan nakakulong ang dalawa ay parehong nakaratay naman si Elijah Price (Samuel L. Jackson) o Mr. Glass na mayroon namang hindi pangkaraniwang talino.
Ang tatlong karakter na ito na nagmula sa pelikulang Unbreakable (2000) at Split (2016) ay magsasama-sama upang ipakita sa buong mundo ang teorya ni Glass na mayroong mga nilalang sa mundo na may taglay na abilidad na hindi kayang ipaliwanan ng siyensiya.
Katulad ng nangyari sa Split ay si McAvoy ang bumida sa pelikula. Madali niyang inako ang palabas dahil sa napakaganda nitong performance sa pagbibigay buhay sa napakaraming personalidad. Nakaka-impress panoorin ang pagbabagu-bago nito ng emosyon, ekspresyon, tindig at galaw na nagagawa niya ng ilang segundo lamang. Madali lang niyang nahigitan si Willis na sa tingin ko ay underused at hindi masyadong nabigyan ng magandang papel sa kuwento. Boring ang naging takbo ng kaniyang istorya at kung babalikan ay wala siyang gaanong ginawa rito.
Kahanga-hanga ang pagiging unique ng kuwento ng Glass. Una na dito ay ang hindi inaasahang pagsasama-sama ng mga karakter sa parehong pelikulang pinabilib ka. Ang pinaka-nagustuhan ko sa naging kuwento nito ay ang low-key na pagiging superhero movie nito. Walang extravagant na costume, CGI at kung anumang super powers. Mas naging malapit ito sa realidad. Nakatulong ang pagkakaroon ng scientific explanations sa pelikula upang magmistulang makatotohanan at relatable ang kuwento kahit na fictional pa rin naman ito.
Isa itong superhero film na hindi gumamit ng mga superhero clichés tulad ng mga gusaling nagbabagsakan, nagwawalang mga tao, mga armas na may magical powers at kung ano pa. Ang siguro'y sasang-ayunan ko na opinyon ng iba ay ang underwhelming nitong climax. Alam kong gusto nila ng makatotohanan at ito ang punto ng pelikula ngunit nag-abang din ako ng mas magandang sagupaan sa pagitan ng mga bida. Hindi ko nagustuhan ang kinahinantan ng tatlo, pero mas lalo akong na-excite para sa mga maaari pang istorya na mabubuo mula rito. Lalo na't ayon sa isa sa mga karakter ay isa lamang itong origin story.
No comments:
Post a Comment