Search a Movie

Friday, June 28, 2019

John Wick: Chapter 2 (2017)

Poster courtesy of IMP Awards
© Summit Entertainment
8 stars of 10
★★★★★★★★ ☆☆

Starring: Keanu Reeves, Riccardo Scamarcio
Genre: Action, Crime, Thriller
Runtime: 2 hours, 2 minutes

Director: Chad Stahelski
Writer: Derek Kolstad
Production: Summit Entertainment, TIK Films, Thunder Road Pictures
Country: USA


Itutuloy ng pelikula ang kuwento ng nauna, apat na araw ang nakakalipas ay babawiin ni John Wick (Keanu Reeves) ang ninakaw sa kaniyang 1969 Ford Mustang Boss 429. Matapos nito ay susubukan niyang bumalik sa tahimik niyang buhay na agad ding maaantala sa pagdating ni Santino D'Antonio (Riccardo Scamarcio), isang Italian crime lord kung saan ay nagkaroon si Wick ng "blood oath" medallion. 

Ang naturang blood oath ay nabuo nang hingiin ni Wick ang tulong ni D'Antonio upang matapos ang kaniyang trabaho kapalit ang kaniyang pagre-retiro at mamuhay bilang isang simpleng mamamayan. Ngayon naman ay si D'Antonio ang hihingi ng tulong ni Wick gamit ang naturang medalyon na hindi maaaring baliin. 

Isa lang ang hiling ni D'Antonio at ito ay ang ipapatay ang kapatid nito upang magkaroon siya ng puwesto sa "High Table." Hindi pumayag si Wick sa naturang trabaho sa kadahilanang retirado na siya subalit wala siyang ibang pagpipilian kundi ang gawin ito.

Karaniwan sa mga sequel ay mahirap pantayan ang original na pelikula. Subalit masasabi kong kung gaano kaganda ang naunang John Wick ay ganoon din ang chapter 2 nito. Maaksyon ang bawat tagpo, ang simpleng barilan ay nagawa nilang gawing thrilling at exciting. At kung action movie din lang ang pag-uusapan ay isa talaga ang John Wick sa papasok sa isip ng mga tao. 

Nandito pa rin ang pagiging misteryoso ng karakter ni Wick na siyang nagustuhan ko sa nauna. The fact na kinakatakutan siya ng marami ay mapapaisip ka kung ano ba ang ginawa niya upang makamit ang estado nito ngayon. Tila ba mas may malalim pang kuwento ang kaniyang buhay kumpara sa napapanood natin sa big screen. Siya yung tipo ng bida na bida talaga, susuportahan mo dahil sa pagiging astig nito, matalino, may paninindigan at may talento sa pakikipaglaban kung kinakailangan. 

Maganda ang naging dynamics ng cast na maging ang kontrabida ay magugustuhan mo. Maayos ang pagkakasulat sa bawat karakter pati na ang supporting characters nito. Hindi rin basta basta ang naging storyline ng John Wick: Chapter 2. Nakakamangha ang hidden community ng mga assassins. Kaya naman kahit gumawa pa sila ng ilang sequels ay aabangan ko dahil alam kong malawak pa ang kuwentong maaaring tahakin ni Wick.


No comments:

Post a Comment