Search a Movie

Friday, January 23, 2015

5 Centimeters Per Second (2007)

8 stars of 10
★★★★★★★★ ☆☆

Starring: Kenji Mizuhashi, Yoshimi Kondou
Genre: Animation, Anime, Drama, Romance
Runtime: 1 hour, 3 minutes

Director: Makoto Shinkai
Writer: Makoto Shinkai
Production: CoMix Wave
Country: Japan


Ang kuwentong pag-ibig na hindi nabigyang pagkakataon dahil sa pagbubukod ng dalawang nag-iibigan. Ang pelikula ay nahahati sa tatlong act na iikot sa buhay ni Takaki Tono (Kenji Mizuhashi) at ng kaniyang first love. Ang unang parte na pinamagatang "Cherry Blossom" ay patungkol sa pagkakaibigan nila Takaki at Akari Shinohara (Yoshimi Kondou) na nagkakilala noong sila'y nasa elementarya pa lamang. Pagsapit ng kanilang pagtatapos ay lumipat si Akari sa Tochigi. Nagsimulang magsulatan ang dalawa pagdating nila ng high school ngunit nang malaman ni Takaki na lilipat na rin ang pamilya niya sa Kagoshima ay naisipan niyang bisitahin si Akari sa huling pagkakataon. Doon napagtanto ng dalawa ang pag-ibig nila sa isa't-isa.

Sa pangalawang act, "Cosmonaut", ay iikot parin kay Takaki ang kuwento ngunit ang kaklase niyang si Kanae Sumida (Satomi Hanamura) na ang magbibigay ng kuwento sa parteng ito. Si Kanae ay may lihim na pagtingin kay Takaki ngunit hindi niya ito maamin-amin dahil sa takot na baka mag-iba ang pagsasama nilang dalawa. Sa pagkakataong ito ay matagal nang walang contact sina Takaki at Akari sa isa't-isa ngunit mapapansing matapos ang lahat ay si Akari parin ang gusto ni Takaki at ito ang palaging nakikita ni Kanae kaya mas pinili nitong itago na lang ang kaniyang nararamdaman sa binata.

Ang huling parte na may pamagat na "5 Centimeters Per Second" ay tatagal lang ng ilang minuto kung saan tumanda na ang bidang si Takaki ngunit matapos ang ilang taon simula nang huli nitong makita si Akari ay hindi parin siya naka-move on sa pag-ibig na naudlot, ito'y sa kabila ng pagkakaroon niya ng nobya sa kasalukuyan. Sa huli, mapagtatanto ni Takaki na huli na ang lahat at ang tanging kasagutan na lang sa kaniyang kinakaharap na problema ay ang tanggapin ang kinahinatnan ng kaniyang pag-ibig kay Akari.

Mabigat sa damdamin, ito ang iiwan nito sa dibdib mo pagkatapos mong panoorin ang humigit isang oras na palabas. Mangingibabaw ang akit ng kuwento nito na tumatalakay sa mga damdaming hindi nailabas dahil sa mga balakid sa pag-ibig tulad ng distansya at mga ala-ala sa nakaraan.

Malayo ito sa pagiging fairy tale na nauwi sa happily ever after ngunit hindi rin naman ito tragic love story. Isa lang itong istorya na naglalarawan sa malungkot at mapait na mukha ng pag-ibig. Ang kapayakan ng kuwento ang bibihag ng iyong damdamin dahil nagagawa nitong kunin ang simpatya ng manonood sa bawat karakter. Ang mga eksena ay makatotohanan na tila ba hango ang lahat sa realidad na hindi kinakailangang iasa sa tadhana ang buhay ng mga bida.

Isa pa sa nagpapaganda ng palabas na ito ay ang animation nito, puno ng detalye at ang bawat karakter ay talagang kanais-nais. Maayos ang mga galaw at kaaya-aya ang visuals kaya feel na feel mo ang bawat emosyon at ang bawat eksena.


© CoMix Wave

No comments:

Post a Comment