Search a Movie

Wednesday, January 28, 2015

Aparisyon (2012)

7 stars of 10
★★★★★★★ ☆☆☆

Starring: Jodi Sta. Maria, Mylene Dizon
Genre: Drama
Runtime: 1 hour, 27 minutes

Director: Vincent Sandoval
Writer: Vincent Sandoval, Jerry Gracio
Production: Cinemalaya, Autodidact Pictures
Country: Philippines


Ang kuwento ng mga madreng nakatira sa isang monasteryo na makikita sa bulubundukin ng Rizal. Ang mga tagpo ay nag-umpisa bago ang martial law kung saan ang ekstern na si Sister Remy (Mylene Dizon) ay nabalitaang nawawala ang kaniyang kapatid na lalaki na marahil ay dinukot ng mga puwersa ni Marcos. Dahil dito ay naki-usap siya sa mga nakatataas na sina Sister Ruth (Fides Cuyugan-Asensio) at Sister Vera (Raquel Villavicencio) upang lumabas at tumulong sa paghahanap sa kaniyang nawawalang kapatid ngunit hindi siya pinayagan bagkus ay sinabihang ipagdasal na lang ang kaniyang kapatid na siyang tungkulin ng isang madre.

Bagamat hindi pinayagan ay ipinagpatuloy parin ni Sister Remy ang gusto niyang gawin. Tuwing lumalabas siya ng monasteryo ay lihim siyang sumasali sa mga pagtitipon at nakikipag-usap sa mga pamilya na katulad niya ay nawawalan din ng kamag-anak. Isang araw, kinailangan magpagamot ni Sister Lourdes (Jodi Sta. Maria), bagong miyembro ng kanilang grupo, sa bayan. Isinama siya ni Sister Remy sa bayan at doon nalaman ni Sister Lourdes ang mga ginagawa nito sa labas. Dahil sa simpatya ay naki-usap si Sister Lourdes sa kanilang superior na maging ekstern na rin siya upang masamahan niya si Sister Remy. Araw-araw ay nagpupunta ang dalawang madre sa mga pagpupulong hanggang sa isang araw, nang sila'y gabihin pauwi ay isang trahedya ang nangyari sa dalawa habang pabalik ng monasteryo.

Isa itong magandang indie film na hahamon sa iyong paniniwala sa buhay. Na habang nanonood ay mapapatanong ka sa sarili mo kung hanggang saan aabot ang iyong pananampalataya sa kabila ng mga nangyayari sa iyong buhay katulad ng nangyari dalawang bida sa pelikula. Dito mo mauunawaan na kahit gaano katapat ang isang tao sa kanilang ginagawa ay kakapit at kakapit parin sila sa maling sistema.

Maganda ang pagpi-prisinta ni Vincent Sandoval sa buong pelikula kung saan ang bawat eksena ay nagbibigay na ng kahulugan sa kung ano ang nais iparating ng mga karakter sa pelikula. Minsan, hindi na kinakailangan ng dialogue upang i-eksplika ang mga kaganapan. Mas nangibabaw rin ang suspense sa mga eksena dahil sa tahimik na musical scoring nito (maliban na lang sa unang parte na nagmukhang comedy sa tainga ang tunog). 

Ang mas nagpatindi ba sa palabas na ito ay ang galing ng mga bidang sina Mylene Dizon na first time kong mapanood sa isang mala-santong role at Jodi Sta. Maria. Nabigyan nila ng hustisya ang role nila bilang Sister Remy at Sister Lourdes, sakto lang at hindi overacting. Kapuri-puri rin ang mga beteranong sina Fides Cuyugan-Asensio at Raquel Villavicencio na siyang nagbigay twist sa pelikula.


© Cinemalaya, Autodidact Pictures

No comments:

Post a Comment