Search a Movie

Saturday, January 10, 2015

Haeundae (2009)

6 stars of 10
★★★★★★ ☆☆☆☆

Starring: Ha Ji-won, Sol Kyung-gu
Genre: Thriller, Drama
Runtime: 2 hours

Director: Yoon Je-kyun
Writers: Yoon Je-kyun, Kim Whi
Production: CJ Entertainment, Doosabu Film, Polygon Entertainment
Country: South Korea


Isa sa mga dinarayong baybayin sa South Korea ay ang Haeundae District sa Busan. Taun-taon ay pinupuntahan ito ng milyun-milyong bisita dahil sa magagandang beach resorts dito ngunit sino ang mag-aakalang ang magandang bakasyon na inaasahan sa Haeundae ay mauuwi pala sa isang malagim na trahedya?

Iikot ang kuwento ng pelikula sa ilang karakter na nakatira sa Haeundae District. Si Kang Yeon-hee (Ha Ji-won) ay nagmamay-ari ng isang hindi lisensyadong seafood restaurant. Simula nang mamatay ang ama nito sa 2004 Indian Ocean Earthquake ay si Choi Man-sik (Sol Kyung-gu) na, na naging katrabaho ng kaniyang ama, ang umalalay sa kaniya sa kaniyang paglaki. Sa kabilang banda naman, ang kapitbahay nilang si Oh Dong-choon (Kim In-kwon) na matagal nang tambay ay pilit paring inihahanap ng kaniyang ina ng trabaho ngunit dahil sa kaniyang edad at estado sa buhay ay natatakot siyang humarap sa mga job interviews dahil baka hindi na raw siya kunin sa trabaho.

Ang ilan pang karakter sa pelikula ay sina Kim Hwi (Park Joong-hoon), isang geologist na matagal nang divorced sa asawang si Lee Yoo-jin (Uhm Jung-hwa) na kasalukuyan namang nasa Busan para sa isang expo kasama ang kaniyang anak at bagong kinakasama. Isang college student naman na nasa bakasyon ang makikilala ni Choi Hyeong-sik (Lee Min-ki), ang kapatid ni Man-sik na nagtatrabaho bilang lifeguard. 

Ang limang kuwento na ito ang bubuo sa unang kalahati ng pelikula. Maganda ang mga ipinakitang side stories, mula sa kuwentong pag-ibig, pamilya at trabaho dito iikot ang buhay ng mga karakter. Ang problema lang, hindi masyadong established ang ibang kuwento at lumabas na parang isiningit lang ang ilan dito para magkaroon ng dramatic touch sa bandang dulo ng palabas. Pinaka gusto ko sa lahat ay ang kuwento ni Dong-choon, kakapiranggot lang ngunit sa lahat, iyon ang may kurot sa puso.

Nang mapansin ni Hwi ang kakaibang galaw sa baybayin ng Japan na katulad ng nangyari sa Indian Ocean noong 2004 ay agad niyang ipinaalam ito sa Disaster Prevention Agency ngunit sinabihan siyang wala itong panganib na dulot sa South Korea. Hindi nagtagal isang mega-tsunami ang nabuo malapit sa Japan at nagsimula itong maglakbay patungo sa direksyon ng Haeundae. Huli na nang mapagtanto ni Hwi na sa bilis ng paparating na tsunami ay sampung minuto na lang ang nalalabi upang matakasan nila ang paparating na sakuna.

Maganda sana ang Haendae kung naisagawa ng maayos ng mga nagsiganapang mga aktor ang kani-kanilang papel sa pelikula. Magaling si Ha Ji-won bilang aktres ngunit ang galing niyang iyon ay hindi ko nakita dito. Wala silang chemistry ng kaniyang kapareha kaya nakakawala nginteres ang love story na ipinipilit sa dalawa.

Maganda ang effects na ginamit dito sa pelikula. Doon ito bumawi, hindi man kasing ganda ng ilang Hollywood films ang CGI ay papasa na ito sa mga mata ng manonood. Ang problema lang, kahit na maganda ang effects ay hindi tumugma dito ang props at set na ginamit. Pagdating sa aftermath, parang hindi mega-tsunami ang dumaan sa kanila kundi bagyo lang. Dapat washout na ang lahat pagkatapos ng tsunami ngunit mas malala pa si Yolanda na dumaan sa Pilipinas kung ikukumpara ito sa nangyari sa kanila. Inaasahan kong marami ang casualty matapos rumagasa ang malaking daluyong ngunit tila nakipagtulungan yata si Superman at iniligtas ang lahat ng ating mga bida. Doon sumablay itong pelikula, kung ibinatay sana sa realidad, mas kapani-paniwala ang mga pangyayari at hindi ka mapapataas ng kilay sa huli.


© CJ Entertainment, Doosabu Film, Polygon Entertainment

No comments:

Post a Comment