Search a Movie

Saturday, January 17, 2015

The Last Stand (2013)

7 stars of 10
★★★★★★★ ☆☆☆

Starring: Arnold Schwarzenegger, Johnny Knoxville, Eduardo Noriega
Genre: Action, Crime
Runtime: 1 hour, 47 minutes

Director: Kim Jee-woon
Writer: Andrew Knauer
Production: Di Bonaventura Pictures
Country: USA


Ang first lead role ni Arnold Schwarzenegger sampung taon matapos ang Terminator 3: Rise of the Machines nito noong 2003, ito rin ang first American directorial debut ni Kim Jee-woon, ang direktor ng South Korean action-film na I Saw the Devil.

Si Ray Owens (Arnold Schwarzenegger) ay isang sheriff sa tahimik at maliit na bayan ng Sommerton Junction. Mula sa simpleng pagpa-park ng sasakyan sa maling lane hanggang sa mga ilegal na pagpapa-putok ng baril, dito lang umiikot ang mga krimen sa bayan na ito. Simple at walang gulo, ganito kung ilarawan ang kanilang bayan hanggang sa isang gabi ay nagtangkang tumakas ang international drug lord at race car driver na si Gabriel Cortez (Eduardo Noriega) mula sa mga kamay ng FBI  sa Las Vegas, dito nagsimulang mabulabog ang tahimik nilang lugar.

Unang napansin ni Sheriff Owens ang mga kahina-hinalang dayo nang minsa'y magpunta siya sa isang diner. Sa mga sumunod na araw ay isang murder ang naganap na hindi karaniwang nangyayari sa kanilang lugar. Mas lumala pa ang mga kaganapan nang magkaroon ng shoot-out sa pagitan ng mga local deputies at mga armadong kalalakihan malapit sa canyon kung saan makikita ang US-Mexico boarder. Doon nila napag-alaman na isang tulay sa pagitan ng US at Mexico ang ginagawa ng tauhan ni Cortez na si Thomas Burrel (Peter Stormare). 

Matapos malaman ni Owens na konektado ang naganap na shoot-out sa pagtakas ng kriminal na si Cortez sa Las Vegas at sa lugar na nila ito ngayon patungo ay naghanda si Sheriff at ang mga kasamahan nito sa isang paparating na bakbakan. Kasama ang natitirang dalawang deputies na sina Mike Figuerola (Lusi Guzmán) at Sarah Torrance (Jaimie Alexander) ay binigyan din nila ng pagkakataong maging deputy si Frank Martinez (Rodrigo Santoro), dating US Marine at isang lokal na kasalukuyang nakakulong. Kasama rin sa na-deputize ay si Lewis Dincum (Johnny Knoxville) na nagmamay-ari ng iba't-ibang dekalibreng baril. Nang makabuo ng grupo ay agad nilang pinaghandaan ang pagdating ni Cortez.

Matanda na si Schwarzenegger para sa mga ganitong klaseng aksyon at aminado rin siya dito dahil ginawa pa niyang one-liner joke ang kaniyang katandaan sa pelikula ngunit sa kabila no'n ay nasa katawan parin niya ang pagiging action star. Kayang-kaya parin niyang maging astig sa likod ng naglalakihang baril, makipag-habulan, mag-drive ng badass na sasakyan at makipag-one-on-one sa mas bata sa kaniya.

Sakto lang ang humor nito upang mapanatili ang atensyon at curiosity ng mga manonood sa pelikula. Nakulangan lang ako ng ganap sa paghaharap ng mga tauhan ni Cortez laban sa grupo ni Owens, tipikal na barilan lang ang masasaksihan na hinaluan ng kaunting katatawanan. Maganda sana kung nabigyan pa ng mas ma-aksyon na eksena sina Knoxville at Santoro pero siyempre kailangang maging bida ang bida kaya pagdating sa dulo, kung kailan akala mo nakita mo na ang lahat, nagkakamali ka dahil sa hulihan naka-reserba ang mga magagandang eksena, sa parte kung saan nagharap sina Schwarzenegger at Noriega.

Wala masyadong bago sa kuwento nito na isang tipikal na habulan lang sa pagitan ng mga pulis at kriminal. Disente na ito bilang isang action-comedy kung saan naging hero of the day ang bida at nagkaroon ng closure ang mga side stories ng supporting characters. Kung ikukumpara ito sa I Saw the Devil ni Kim Jee-woon, ang last South Korean film niya bago gawin ang The Last Stand, 'di hamak na mas brutal ang mga aksyon sa naunang pelikula ngunit mahirap ding pagkumparahin ang dalawa dahil magkaiba sila ng genre. Kung ganoon sana ang tipo ng mga action scenes sa palabas na ito, tiyak na mas kaabang-abang ang mga kaganapan.


© Di Bonaventura Pictures

No comments:

Post a Comment