Search a Movie

Saturday, July 6, 2024

A Very Good Girl (2023)

7 stars of 10
★★★ 

Starring: Kathryn Bernardo, Dolly de Leon
Genre: Comedy, Drama, Mystery
Runtime: 1 hour, 57 minutes

Director: Petersen Vargas
Writer: Marionne Dominique Mancol, Daniel S. Saniana, Jumbo A. Albano
Production: ABS-CBN Film Productions
Country: Philippines


Isang bagay lang ang gustong makamit sa buhay ni Mercy (Kathryn Bernardo) at ito ay ang makapaghiganti siya sa mayamang negosyante na si Molly Suzata (Dolly de Leon). Kaya naman ang ginawa nito ay nagpanggap siya bilang isang socialite para makuha ang atensyon ni Molly at maisagawa ang hangad niyang paghihiganti.

Sobrang husay ni de Leon sa palabas na ito. Nabigyan niya ng hustisya ang karakter niya bilang isang mayamang walang pakialam sa ibang tao. Magaling din ang ipinamalas na pag-arte rito ni Bernardo. Nakapagbigay siya ng kakaibang timpla sa karakter niya. May pagkakataon na nakikita ko pa rin ang dating Bernardo kapag nagdadrama siya pero tuwing lumalabas ang alterego nito bilang Philo ay kakaibang Bernardo ang makikita mo rito.

Nakulangan ako sa revenge part ng kuwento. May hit list na ginawa si Mercy na kailangan niyang unahin bago niya mapabagsak si Molly pero dalawa lang sa buong listahan ang ipinakilala sa manonood. Mas maganda sana kung lahat sila ay nabigyan ng pagkakataon na makita on screen kung papaano sila ginamit ni Mercy para mas mapalapit siya sa pinaplano niyang paghihiganti.

Magaling ang pagkakasulat kay Molly. Magagalit ka talaga sa kaniya kaya madali ka lang maawa sa bida dahil sa pag-uugali nito. Very edgy ang palabas at kakaiba ito sa mga tipikal na pelikulang Pilipino. Bago ito sa paningin ko kung mainstream movies sa Pinas lang din naman ang pag-uusapan. Ang problema ko lang, pagdating sa dulo ay para bang minadali na ang lahat. Ang haba ng pag-establish na ginawa nila sa dalawang bida pero sa ending ay biglang ganoon na lang ang nangyari. May bagong karakter na biglang pumasok at bigla na lang din nawala na parang bula. Hindi rin kapani-paniwala ang mga sasakyan na randomly ay bigla na lang nakakasagasa ng tao. Pakiramdma ko ay ginawa nila 'yon para sa comedy pero hindi maganda ang timing nito lalo na't nasa kalagitnaan ng drama ang eksena.

Overall, kakaiba ang A Very Good Girl. Magaling ang buong cast. Mas matimbang ang pagiging dark at dramatic ng kuwento kesa sa comedy. Maaaring hindi ito magustuhan ng iba dahil hindi satisfying ang ending pero realistically ay ganoon naman talaga karaniwan ang kinakahinatnan ng totoong buhay. Nasabi nila ang gusto nilang sabihin sa pelikulang ito - walang patas sa mundong 'to.


© ABS-CBN Film Productions

No comments:

Post a Comment