★★★★★★★★★★
Starring: Roy Chiu, Hsieh Ying-xuan, Joseph Huang
Genre: Comedy, Drama, Romance
Runtime: 1 hour, 40 minutes
Director: Mag Hsu, Hsu Chih-yen
Writer: Lu Shih-yuan, Mag Hsu
Production: Dear Studio, Comic Communication Studio, Ocean Entertainment, Hervoice Concept
Country: Taiwan
Simula nung mamatay ang kaniyang ama ay hindi na naging maganda ang relasyon ni Song Cheng-xi (Joseph Huang) sa kaniyang inang si Liu San-lian (Hsieh Ying-xuan). Mas naging kumplikado pa ang buhay nila nung nalaman nilang ang benepisyaryo sa insurance ng namayapa nilang padre de pamilya ay walang iba kundi ang kalaguyo nitong si Jay (Roy Chiu) na isang lalaki.
Ang galing ni Hsieh sa palabas na 'to. Hindi siya nagpapatawa pero 'yung personalidad at facial expressions ng karakter na isinasabuhay niya ay sobrang nakakatawa. Ganoon pa man, mas humanga ako sa kaniya sa galing niyang mag-drama. Madadama mo talaga bilang manonood ang sakit na nararamdaman ng kaniyang karakter. Ganoon din si Chiu na hindi rin nagpatalo pagdating sa aktingan. Pareho nilang ipinakita kung paano ang buhay ng isang taong namatayan.
Seryoso ang kuwento ng Dear Ex pero ang comedic undertone nito ang siyang bumuhay sa first half palabas. Sa kabila ng subtle na humor nito ay hindi nasira ang totoong kuwento. Napakagaling ng pagkakahabi ng mga elemento sa palabas na ito. Lahat ng karakter ay nabigyan ng sariling background, ng sariling pinagdadaanan, ng sariling problema at lahat sila ay maiintindihan mo kung saan sila nanggagaling.
Napakagaling na nabigyan nila ng iba't ibang klaseng representasyon ang pagluluksa para sa taong namatay. Na iba-iba man ang ipinapakita nilang ugali sa publiko, sa loob-loob ng bawat isa sa mga karakter ay pare-pareho lang silang nagdadalamhati sa pagkawala ng taong minamahal nila. Bilang manonood ay hindi mo kilala 'yung taong namatay pero sa pamamagitan ng tatlong bida ay mararamdaman mo ang sakit na kanilang pinagdadaanan dahil napakahusay ng pag-arte ng tatlong bida. Napaka-natural ng character development ng bawat isa sa kanila. Walang bida, walang kontrabida, lahat sila ay naging biktima lang ng magulong mundo. Naipakita rito kung gaano kakumplikado ang emosyon, pag-iisip at mga desisyon na ginagawa ng isang tao.
Napakasakit ng kuwento ng palabas na ito. Nakakadurog ng puso, nakakapanghinayang, nakakabagbag-damdamin. Kailangan mo ng tissue kapag nanood ka nito lalo na kapag mababaw lang ang luha mo dahil tiyak paiiyakin ka talaga ng Dear Ex. Hindi ka mabibigo dahil napakaganda ng storyline nito. Kakaiba ang kuwento at mula simula hanggang wakas ay tututukan mo ang bawat tagpo.
© Dear Studio, Comic Communication Studio, Ocean Entertainment, Hervoice Concept
No comments:
Post a Comment