★★★★★★★★ ☆☆
Starring: Vijay Sethupathi, Anurag Kashyap
Genre: Action, Drama, Crime
Runtime: 2 hours, 30 minutes
Director: Nithilan Swaminathan
Writer: Nithilan Swaminathan
Production: The Route, Think Studios, Passion Studios
Country: India
Isang simpleng barbero si Maharaja (Vijay Sethupathi) na ang tanging hiling ay matulungan siya ng mga pulis na hanapin ang isang basurahan na ninakaw mula sa kanilang tahanan. Kapalit ang malaking halaga ng pera ay tutulungan siya ng mga pulis. Ang hindi nila alam ay isang masalimuot na kuwento pala ang pumapalibot sa naturang basurahan.
Ang unang napansin ko sa palabas na 'to ay hindi gaanong maganda ang naging pag-arte ng mga gumanap na bida rito bagaman matitiis mo naman ito kahit papaano. May mga eksena ang pelikula na dapat ay nakakatawa pero hindi naging maayos ang delivery nito at hindi rin ito nadala ng musical scoring. Nagmukhang out of place tuloy ang tangka nilang gawing nakakatawa ang eksena. Puwede sana siyang pumasa bilang deadpan humor pero hindi pa rin ako nito napatawa.
Hindi man pasok ang humor, maganda naman ang naging action scenes dito. Brutal kung brutal at hindi sila nagpapigil sa mga patayan na akala mo ay nanonood ka ng slasher film. Pero ang naging highlight ng buong pelikula para sa 'kin ay ang nakakagimbal na kuwento nito. Namangha ako kung papaano nila pinaglaruan ang timeline para mapaghandaan ang twist na manggugulat sa mga manonood. Nagulat ako sa unang twist dahil naitago nila ito nang maayos, hindi mo talaga mahuhulaan na ganoon pala ang kuwento sa likod ng basurahan. Literal na napanganga ako nung nalaman ko ang totoong kuwento. Hindi ko rin inaasahan ang pangalawang twist dito na patungkol naman sa mga pulis. Ang panghuli at ang pahabol na twist ng pelikula na siyang magbibigay ng satisfaction sa mga manonood ay ini-expect ko na dahil kung naging mapagmatyag ka sa mga detalye ng palabas ay matitiktikan mo na na doon papunta ang kuwento.
Ang Maharaja ay isang mahabang pelikula pero sulit naman ang panonood mo nito. Maganda ang istorya at nakabibilib ang storytelling nito. Mapapaisip ka na lang kung gaano kagaling ang writer na sumulat ng script dahil sa isang simpleng panimula ay nauwi ito sa isang napakalalim na istorya.
© The Route, Think Studios, Passion Studios
No comments:
Post a Comment